Julia ikinumpara ni Direk Perci kay Dina: Sobrang Ganda pero misteryosa…
UNANG tanong namin kay Direk Perci Intalan kung bakit hindi siya ang nagdirek ng digital series na I Am U nina Julia Barretto at Tony Labrusca?
Ang I Am U ay mapapanood na simula sa Peb. 26 sa iWant produced by Dreamscape Digital and IdeaFirst Company nina Direk Perci at Direk Jun Lana. Dual role ang gagampanan dito ni Julia.
Nasolo namin ng interbyu si PMI (tawag kay Direk Perci) pagkatapos ng mediacon ng I Am U at ipinaliwanag nga niya kung bakit hindi sila ni Direk Jun ang nagdirek sa nasabing proyekto.
“Feeling namin kailangan babae ang direktor para makuha ang mga nuances ng character nina Elise at Rose (Julia), ‘yung motivation ng bawa’t isa sa kanila feeling namin, mas mabibigyang-buhay kapag babae ang direktor,” paliwanag niya.
Si direk Dwein Baltazar ang napili nina Direk na mag-handle ng I Am U na nasa ilalim din ng IdeaFirst Company talent management.
Producer ang papel ni PMI sa I Am U at sa kanila galing ang concept pero sinulat ni Kibby Vicente.
“Actually ang concept sa amin dalawa ni Jun (Lana), ‘yung original na story line, yes it was intentional na iba ang magdidirek, very careful kami kasi madaling maging predictable so maganda rin na napasa-pasa siya, concept namin, sinulat ng ibang tao, idinirek ng ibang tao kaya nabigyan ng ibang buhay,” paliwanag pa sa amin.
Sobrang bumilib si PMI kay Julia nang mapanood na ang akting ng dalaga dahil dito niya napatunayan na isa rin itong thinking actress.
“Akala ko ganu’n, hindi seseryosohin so I was pleasantly surprised nu’ng na-meet ko siya before pa ng mga kaganapan, nakita kong perfect siya lalo na ‘yung mga pinagdadaanan niya sa buhay.
“Ang dami niyang hugot at nakita ko ‘yun sa materyal saka wala siyang takot may kissing scene, well allowable naman hindi naman (grabe) kasi may image pa rin siya (na wholesome) and aktres siya. Sabi ko nga kay Ethel (Espiritu-l, iWant Program manager), I’m excited for her kasi ang dami na niyang magagawa.”
At tulad nga ng sinabi ni direk Perci sa mediacon ng serye, gusto niyang makatrabaho ulit si Julia at sana sa pelikula naman.
“Ang nakikita kong magandang role sa kanya ‘yung ganitong genre puwede siya sa thriller not necessarily horror, ‘yung ang ganda niya pero misteryosa.
“Wala tayong ganu’n pang artista lahat kasi sweet, parang mga panahon nina Dina Bonnevie nu’ng ginagawa na niya ‘yung Alabok sa Ulap, Magdusa Ka.
“Ang ganda, fragile pero ‘yung mga nuances, feeling ko papunta siya sa ganu’ng path. Sana panindigan niya at sana gumawa siya ng mas marami pang pelikula sa iWant kasi feeling ko doon niya malalaro ‘yan kasi sa TV siyempre limited at saka black or white,” lahad pa ni PMI.
Aabot sa pitong episodes ang I Am U at posibleng magkaroon pa raw ito ng season 2, kaya sana nga mag-click sa manonood.
“Sabi nga ni Deo (Endrinal, head ng Dreamscape), nagwo-work naman ‘yung mga ganito (genre) kaya puwedeng may continuation, sabi namin go, gusto namin ‘yan.
“Sana lang available ‘yung dalawa kasi ang dami nilang gagawin. Okay lang naman pipila parang US model naman na kahit isang taon ang lumipas, sinusundan,” say pa ni direk Perci.
Anyway, abangan sa Peb. 26 ang I Am U sa iWant. Bukod kina Julia at Tony kasama rin dito sina Ina Raymundo, Richard Quan, Cedrick Juan, Kokoy De Santos, Claire Ruiz, Lander Vera Perez, Adrianna So, Yayo Aguila at Jenny Miller.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.