'Kumpleto na ang pagiging manager ni Ogie Diaz' | Bandera

‘Kumpleto na ang pagiging manager ni Ogie Diaz’

Cristy Fermin |February 19,2020
facebook
share this

‘Kumpleto na ang pagiging manager ni Ogie Diaz’

Cristy Fermin - February 19, 2020 - 01:05 AM

Hindi na talaga maabot ang komedyante-manunulat-manager-vlogger na si Ogie Diaz. Siya na ang opisyal na manager ngayon ng matapang at sikat na news anchor at radio commentator na si Raffy Tulfo.

Magkasama na ngayon sa kanyang pamamahala sina Liza Soberano at Raffy Tulfo, isang napakagandang batang aktres, at isang walang inuurungang news anchor at host ng pinagsusumbungan ng buong bayan ngayon na Wanted Sa Radyo.

Nagsimula ang magandang samahan nina Ogie at Kuya Raffy nang interbyuhin ng reporter-manager ang matapang na broadcaster sa kanyang YouTube channel.
Grabe ang inabot na views ng kanilang kolaborasyon, umabot ‘yun nang mahigit na dalawang milyon, panalung-panalo ang kanilang interbyuhan.

Isang napakalaking proyekto ang nakatakdang gawin ni Raffy Tulfo para sa isang malaking produksiyon. Hindi nito alam ang bagong mundong kanyang papasukin. Kailangan ng manager ng nirerespeto at kinatatakutang man of the hour ngayon sa mundo ng pagbabalita.

Si Ogie Diaz agad ang pumasok sa aming isip nu’ng tumawag sa amin si Kuya Raffy. Ikinuwento namin sa kanya ang husay ni Ogie Diaz sa paghawak sa career ng kanyang mga alaga.

‘Yun lang at pagkatapos nang ilang araw ay nagkita na uli sila. Hindi na iinterbyuhin ng manunulat si Raffy Tulfo kundi pag-uusapan na nila ang mga ayaw at gusto ng broadcaster para alam ng manager ang kanyang gagawin sa pakikipagtransaksiyon sa malaking produksiyon.

Kumpleto na ang pagiging manager ngayon ni Ogie Diaz, nasa kanyang pamamahala na ang pinakasikat at nilalapitang broadcaster ngayon ng mga kababayan nating nangangailangan ng tulong, maligayang bati sa aming mahal na anak-anakan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending