DATI kapag nais ng OFW na magtagal sa kanyang trabaho sa abroad, kailangang ipakita lang niya ang angking galing at talino, sipag at dedikasyon sa pagtatrabaho, at tiyak, malaki na ang lamang niya sa kapwa niya OFW.
Pero hindi na puwede iyan ngayon!
Sa dami ng mga problemang kinakaharap ng ating mga OFW, sea-based at land-based workers, parehong hindi na nila kontrolado ang mga sitwasyon.
Tulad ng napakabilis na paglaganap ng pinakahuling coronavirus na nararanasan ngayon sa buong daigdig, kahit pa ang mga lider ng mga bansa, mga kilala at magagaling na siyentipiko at doktor, naghahabol sa mga posibleng solusyon sa naturang epidemya.
Hindi rin ligtas ang ating mga OFW. Sila rin mismo, infected na. At pati mga seafarers na naglalayag, buong barko nila ang inilagay sa quarantine upang maobserbahan ang lahat ng mga nakasakay doon.
Palibhasa kailangan pa rin nilang gawin ang kanilang mga trabaho kahit sabihin pang may mga kinakitaan na ng sintomas sa mga pasahero ng naturang cruise vessel, pinagsisilbihan nila ang mga ito, dinadalhan ng pagkain at kung ano pang mga pangangailangan nila, kung kaya’t pati na rin ang ilan sa Pinoy crew, nakasama na sa mga minomonitor at ang iba ay tuluyan nang na-infect.
Maging ang mga land-based OFWs natin ay hindi rin ligtas. Hindi rin kasi maiwasan na magtungo sila sa matataong lugar tulad ng mga palengke at ilan pang mga lugar na kailangan nilang puntahan, kahit pa sa mga bansang laganap na ang naturang sakit.
Sabi nga ng isang OFW, nagigising silang natatakot at natutulog na takot na takot pa rin.
Bukod pa riyan, matindi rin ang dinaranas na problema ngayon ng mga OFW na hindi makakarating sa kanilang mga employer dahil naman sa mga ipinatutupad na travel ban.
Maging ang mga pasaherong sinasabing nag stop-over lamang sa ilan sa mga bansang ito, hindi na rin pinayagang makaalis muli pabalik sa kanilang mga trabaho sa abroad.
Ito ang mga bagay na hindi na nga kontrolado ng sinuman. Walang gamot na masasabing lunas sa coronavirus na ito at kasalukuyang pinag-aaralan pa lamang.
Sa ganitong sitwasyon, isang katalinuhan nga naman para sa ating mga OFW na dapat nilang isaisip na wala talagang permanente sa mundo.
Walang permanenteng trabaho sa abroad, dahil may mga sitwasyon na biglang-bigla na lamang na bubulaga sa ating lahat, at tuluyang nabago na ang takbo ng buhay.
Pakatandaan nating palagi na ang dating normal kahapon, maaaring hindi na normal ngayon.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM at napapanood sa Inquirer Television (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.