Mas ok kay Joshua na walang ka-loveteam; inalala ang ‘GMA experience’
INALALA ni Joshua Garcia ang panonood niya noon ng Party Pilipinas, ang dating Sunday musical show ng Kapuso Network, nang isama siya ng kanyang kaibigan.
“Libre pamasahe raw kaya sumama ako! Ha! Ha! Ha!” kuwento ni Joshua nang makausap ng ilang members ng entertainment press sa story conference ng Regal Films movie niyang “Mga Kaibigan ni Mama Susan” mula sa novela ni Bob Ong.
Habang nakapila para pumasok sa studio ng GMA, may taong lumapit sa kanya at bigla siyang binigyan ng calling card.
“Nu’ng tumawag sa akin at pinapunta niya ako sa audition, umiyak lang daw ako! Siyempre, normal kang tao. Paano ka iiyak nang mabilisan? Natakot ako! Ha! Ha! Ha!” saad pa ng binata.
Naging masipag siyang um-attend ng mga acting workshop bago niya gawin ang pelikulang “Barcelona.”
“Kasi nawawalan ako ng project. Dumating ang time na, ‘Umuwi na lang kaya ako ng Batangas?’ Ang daming pumasok na projects pero nagwi-withdraw ako noon.
“Parang nagsilbing motivation sa akin ‘yon. Kailangan kong mag-workshop. Kailangan kong galingan,” sabi pa niya.
Naging motivation din niya ang kanyang pamilya at may pag-aaralin pa siyang pamangkin. Talagang nagsipag siya para makaipon at makabili ng mga pangangailangan nila sa bahay.
Gusto rin niyang magkaroon ng farm at sariling restaurant para kahit wala siyang trabaho ay may pagkakaabalahan siyang negosyo.
“So far ang saya ng nangyayari sa akin sa showbiz. Gusto kong bumalik sa pag-aaral. Pagdating kasi sa knowledge, kulang na kulang pa ako. Kaya sana kapag nagka-chance matapos ko ang college,” rason ni Joshua.
Ang maging sundalo ang una niyang pangarap pero kapag bumalik siya sa pag-aaral, ibang kurso na ang kukunin niya.
Wala siyang ka-loveteam sa bagong movie niya sa Regal Films pero aniya, parang mas okaw daw kapag solo lang muna siya sa mga bagong projects na gagawin niya this year.
“Para sa akin, gusto ko rin ‘yung ganito pero puwede rin ako sa loveteam. Mas marami kang katrabaho mas maganda.
“Si Jea (Janella Salvador, nakasama niya sa isang serye), siya kasi hindi nagrereklamo so natuto ako. Si Julia (Barretto), hindi naman ako nag-i-English dati pero medyo natuto ako sa kanya,” paliwanag pa ni Joshua.
Samantala, si Chito Roño ang magdidirek ng “Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan.” Ayon kay Direk, personal choice niya si Joshua para maging bida sa kanyang comeback movie. Nagalingan kasi siya sa aktor nang mapanood niya ang “Love You to the Stars and Back” na ipinalabas noong 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.