Alden, Jean, Jo may pasabog sa ending ng ‘The Gift’
MAGKAHALONG lungkot at kaligayahan ang nararamdaman ngayon ni Alden Richards at ng iba pang cast members ng Kapuso primetime series na The Gift.
Ngayong gabi na ang finale episode ng serye at marami na ang nag-aabang kung ano nga ba ang magiging ending ng makulay at madramang kuwento ni Sep (Alden). Inamin ng Pambansang Bae na mami-miss niya ang lahat ng katrabaho niya sa programa, lalo na sina Jo Berry, Elizabeth Oropesa, Jean Garcia, Martin del Rosario, Mikoy Morales at Mikee Quintos.
“We had a good run and in all those months na lagi kaming magkakasama sa taping, naging close ako sa lahat co-stars ko, from Jo and Tita Beth Oropesa, si Madam (Jean) as my real mother, my friends sa series na sina Mikee and Mikoy, lahat sila, itinuring ko na silang pamilya,” ani Alden.
Dagdag pa ng binata, “Sure ako, we will all miss each other. Pati production staff and crew, lalo na si Direk LA (Madridejos), naging ka-close namin. Sa ganda ng naging samahan namin dito, tiyak na babaunin namin ang magandang relationship na nabuo namin doing The Gift.”
Hindi na kami magtataka kung humakot muli ng award si Alden sa iba’t ibang award-giving bodies para sa naging performance niya sa serye dahil talaga namang pang-best actor ang bawat eksena niya, lalo na sa mga confrontation scene nila ni Jean at ni Martin, pati na ang iyakan scenes nila nina Jo at La Oro.
Pwedeng-pwede ring manalong best actress sina Jean at Jo dahil sa galing na ipinakita nila sa serye, lalo na ang breakdown scene kamakailan ni Jean matapos ipagtapat kay Alden ang katotohanan tungkol sa pagkatao nito.
Comment nga ng isang adik na adik sa The Gift, “Sana lahat ng teleserye sa Pinas tulad ng The Gift, maraming life lessons para sa viewers. Hindi OA ang mga eksena, just right for a family drama na pwede ring panoorin ng mga bata.”
Sa huling pasabog ng The Gift, abangan kung happy ending ba ang naghihintay sa mag-inang Nadia (Jean) at Sep. Magtagumpay kaya ang walang kupas na kasamaan sina Javier (Christian Vasquez) at Francine (Rochelle Pangilinan) o darating na rin ang pinakahihintay nilang karma dahil sa lahat ng kademonyohan na pinaggagawa nila?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.