Jiro Manio buhay na patotoo sa epekto ng droga
TOTOO namang nakapanghihinayang ang kinahinatnan ng isa sa pinakamahusay na aktor ng ating bayan na si Jiro Manio. Mula sa kanyang ipinakitang galing sa pag-arte sa pelikulang “Magnifico” ay kung anu-ano nang hindi kagandahang karanasan ang kanyang pinagdaanan.
Nakita siyang palabuy-laboy nu’ng 2015 sa aiport, ang kanyang dahilan, gusto niyang makita nang personal ang kanyang amang Japanese kaya naghihintay siya ng flight ng eroplanong maghahatid sa kanya sa Japan.
Isandaang porsiyentong suporta ang ibinigay sa kanya ng Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas, hindi barya-barya lang ang ginastos ng komedyana sa pagpapa-rehab sa kanya, pero wala ring nangyari dahil nagpilit siyang lumabas.
Magbabalik na raw siya sa pag-arte, kailangan daw niyang buhayin ang kayang mga anak, pero hindi naman ‘yun nangyari. Iniwanan din niya ang magandang trabahong ibinigay sa kanya ng rehab, kumikita siya du’n, hindi naman libre lang ang kanyang serbisyo.
Laman na naman ng mga pahayagan ngayon si Jiro Manio, naghihimas siya ng malamig na rehas na bakal, sa asuntong frustrated homicide.
Ang kuwento ni Jiro Manio ay isang buhay na patotoo na walang nagagawang positibo sa tao ang paggamit ng droga. Lalong walang maaasahang magandang kapalaran ang kahit sinong nagpapatalo sa bisyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.