Lasenggong singer-actor na nagwawala pag lasing ‘magaling’ na
PAGDATING sa pag-inom ng agua de pataranta ay masyadong tumutok ang mas nakararami sa dalawang kilalang aktor lang.
‘Yung isa ay matagal nang nawawala sa sirkulasyon at ang isa naman ay ‘yung palaaway at gumagawa ng gulo kapag nasasayaran na ng alak ang lalamunan.
Pero hindi napapansin ang isa pang male personality na parang hindi mabubuhay kapag hindi nakakainom. Bahagi na ng kanyang buhay sa araw-araw ang pag-inom.
Magaling lang siyang umatake, sa bahay lang siya umiinom, puwedeng nag-iisa lang siya at puwede rin namang may mga kaibigang kasalo sa tomaan.
Kuwento ng aming source, “Malakas siyang uminom, grabe ang lalamunan ng male personality na ‘yun, para ring alulod ang bituka niya na laklak lang nang laklak.
“Pagkatapos niyang magtrabaho, e, kailangan niyang uminom, ‘yun ang parang bitamina niya, kapag wala naman, e, para siyang nanglalata at walang ganang mabuhay,” unang chika ng aming impormante.
Nu’ng minsang sumama siya sa kanyang mga kaibigan sa pag-inom ay nakalimot ang lalaking personalidad sa kagandahang-asal. Nagwala siya, naghamon ng away, pakiramdam niya ay walang katapusan ang kanyang buhay.
Patuloy ng aming impormante, “‘Yun ang mahirap sa kanya, war freak din siya na tulad nu’ng isang male personality na palaaway talaga kapag lasing na.
“Kahit sa bahay, e, war freak siya, nagbabasag siya ng mga kagamitan kapag langung-lango na, pero hindi nga ‘yun napapabalita dahil nasa bahay lang naman siya. Mabuti nga at medyo nag-behave na siya nu’ng mag-asawa na siya, e!
“Paunti-unti, e, naiwasan na rin niya ang pagmamam, kailangan niya na kasing gawin ‘yun dahil nakakaramdam na siya ng kakaiba sa kanyang katawan.
“Nu’ng magpa-check-up siya, e, pinagbawalan na siya ng doktor, kapag hindi siya umiwas, nagdedelikado ang atay niya.
“Ayun, natakot ang male personality, marami pa siyang pangarap, gusto pa niyang magkaanak, kaya natakot siya. Okey na siya ngayon, behave na talaga siya, no-no na sa kanya ngayon ang pagmamam.
“Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, ano nga ang tanong ng mga Pinoy kapag may dumadaong na barko ng mga Kano? ‘Joe, you wanna buy watch?’ ‘Yun na!” pagtatapos ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.