Reunion movie nina Aga at Lea tuloy na tuloy na; ‘Miracle’ kumita ng P600M
TRULILI kaya ang nalaman naming hindi na sa Star Cinema gagawin ang pinakaaabangang reunion movie nina Aga Muhlach at Lea Salonga kundi sa Viva Fims na?
Tsika sa amin ng isang source, pinaplano na ni Viva boss Vic del Rosario ang follow-up project ni Aga pagkatapos mag-number one ang pelikulang “Miracle in Cell No. 7” sa Metro Manila Film Festival 2019.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa P600 million ang kinita ng entry ni Aga sa MMFF at siguradong tataas pa ito sa mga susunod na araw dahil isa ito sa mga official entry na-extend sa mga sinehan.
Anyway, matutuwa ang mga supporter nina Aga at Lea na matagal nang naghihintay sa kanilang balik-tambalan na planong gawin ng Star Cinema noon pang 2017, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuloy.
Matatandaang ang Star Cinema ang nagpasikat sa loveteam nina Aga at Lea matapos maging blockbuster ang mga pelikula nilang na “Bakit Labis Kitang Mahal” (1992) at “Sana Maulit Muli” (1995). At sa pagkakaalam namin, eksklusibo ang movie contract ni Aga sa Viva kaya posibleng solo-produced ulit ito ni Boss Vic na ididirek ni Nuel Naval.
Kapag natuloy na ang pelikulang, sigurado kaming magiging blockbuster din ito dahil marami talagang naghihintay sa reunion project nina Aga at Lea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.