Suspek sa pagpatay sa 11-anyos na paslit tinadtad ng bala sa Batangas
NATAGPUANG tadtad ng bala ang isang lalaking nauna nang inaresto dahil sa pagpatay sa 11-anyos na batang babae sa Bauan, Batangas, dalawang araw matapos siyang pakawalan ng mga pulis.
Nadiskubre ang katawan ni Mark Alvin Sajer, 27, ganap na alas-6:30 ng umaga nitong Biyernes sa Barangay Manghinao 1, tinatayang isang kilometro lamang mula sa Barangay San Roque kung saan siya nakatira.
Nagtamo ito ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sinabi ni Batangas police chief Col. Edwin Quilates na patuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Sajer.
Idinagdag ni Quilates na noong Miyerkules, ipinag-utos ng provincial prosecutor ang pagpapalaya kay Sajer at inirekomenda na magsagawa pa ng imbestigasyon kaugnay ng kasong murder laban sa suspek.
Inaresto ng Bauan police si Sajer noong Disyembre 28 dahil sa pagkamatay ng batang babae kung saan natagpuan ang katawan nito noong Disyembre 24 sa kalapit na sapa sa Barangay San Roque.
Hinala ng pulisya na ginahasa rin ang bata matapos matagpuan ang kanyang underwear sa kaparehong lugar ilang araw matapos ang insidente.
Nagtatrabaho ang stepfather ng biktima bilang construction laborer, samantalang nakatira ang kanyang nanay sa ibang probinsya.
Inaresto si Sajer base sa testimonya ng apat na testigo na nagsabi na nakita nila ang suspek kasama ang bata bago ito mawala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.