SWS: Pinoy naniniwala na hindi na dapat palawigin ang martial law sa Mindanao
MARAMING Pilipino ang naniniwala na dapat ay hindi na palawigin ang Martial Law sa Mindanao, ayon sa survey ng Social Weather Station.
Sa tanong kung dapat ba o hindi na palawigin pa ang Martial law sa susunod na taon, sinabi ng 65 porsyento na ito ay dapat tapusin na sa huling araw ng 2019.
Ang 34 porsyento naman ang nagsabi na dapat pa itong palawigin. Sa naturang bilang, 22 porsyento ang nagsabi na dapat palawigin ito sa buong Mindanao, 7 porsyento ang nagsabi na dapat ay sa Marawi at Lanao del Sur lamang at 5 porsyento ang nagsabi na sa Marawi City, Lanao del Sur at mga katabi nitong probinsya.
Naniniwala ang 49 porsyento na sa kasalukuyan ay wala ng banta na mauulit ang pag-atake ng mga terorista gaya ng nangyari sa Marawi City, at 16 porsyento ang naniniwala na nananatili ang bantang ito.
Sinabi naman ng 55 porsyento na kaunti lamang ang naging pag-abuso sa karapatang pantao ng mga sundalo mula ng ideklara ang martial law sa Mindanao samantalang 14 porsyento ang naniniwala na marami. Ang 22 porsyento naman ay undecided.
Ang survey ay ginawa mula Disyembre 13-16 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 3 porsyento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.