Chainsaw murders, MC taxis | Bandera

Chainsaw murders, MC taxis

Lito Bautista - December 27, 2019 - 12:15 AM

ANG 2020 ay nakasalalay sa ginawa ngayong 2019. Kapag nagkamali, itutuwid sa pamamagitan ng pamalo, gaya ng ginagawa sa tao, pero di babawiin ang pagtangkilik. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (2S7:1-5, 8-12, 14, 16; Sal 89:2-5, 27, 29; Lc 1:67-69) sa mga huling linggo ng Adbiyento, sa kapistahan ni San Delfin.
***
Isang kahindik-hindik na patayan ang tinaguriang chainsaw murders. Hindi ito lihim dahil sadyang ipinakita ang paghati, o pagputol, sa ilang bahagi ng katawan ng tao, sa pamamagitan ng umiikot na kadenang lagari para makarating ang balita sa mga kalaban at magsilbing panakot at pantaboy. Nakatali ang mga kamay at paa sa puno, hanggang lumapat ang chainsaw at pumulandit ang dugo. Ang chainsaw murders ay alam ng ilang mamamahayag, pero di nila ito ihahayag. Hindi na ito, kailanman, maaabot ng kamay ng batas at hustisya. Ang mga gumawa nito ay nariyan pa, malalakas at maimpluwensiya. Nagkakapitasan (resbak) na nga.
***
Mas lalong ginugulo ang serbisyong motorcycle taxi dahil kumikita na ito ng P100,000 arawan, neto. Mahusay ang takbo ng MC taxi at araw-gabing inaasahan sa Makati, lalo na sa Central Business District at Pasong Tamo. Pinahina ng MC taxi ang Grab at taxi cab. Matindi ang inggit ng mga buwitre sa MC taxi dahil bago sumapit ang Pasko ay ikinasa ang gutom sa mga riders. Para sa demonyo, makatao yan. Nang nagkakabatuhan na ng putik ang Angkas at LTFRB, tumindi ang panawagang isara na ito nang tuluyan dahil pilot case lang ito at ipasa na lang sa Kongreso ang susunod na kabanata. Napakaraming kesyo-kesyo, tulad ng mga aksidenteng kinasangkutan gayung wala namang police report. Naroon din ang umano’y hayok na mga rider sa pasahera gayung wala namang nademanda ng panghihipo. Dama na ang maniobra sa MC taxi, tulad ng nangyari sa Uber at hatchback; gayung isa lang naman ang namatay sa aksidente ng hatchback, ang manunulat na si Chit Sombillo, ng Manila Times.
***
•May bagong programa ang pulisya, sa ilalim ng PNP Patrol Plan 2030 at Project ROADRIVE ng Aurora Provincial Police Office. Ang ROADRIVE ay Ridding Operations against Underage Drivers and Not Registered and Illegally-parked Vehicles, na isinasagawa ni Capt. Namoro, sa pamamahala ni Col. Raul Siriban. Sa Dona Remedios Trinidad, Bulacan, ipinatutupad ni Capt. Mondejar, lalo sa gabi, ang Oplan RODY (Rid Our streetss of Drunkard and Youth). Bagaman hindi ito ipinatutupad sa Metro Manila sa di malamang dahilan, ang Project ROADRIVE at Oplan RODY ay misyon na maging maayos ang mga lalawigan sa 2020. Kung ano ang sinimulan ngayong 2019, ipagpapatuloy at aanihin na lang sa 2020.
***
Sa ROADRIVE, nakita ng PNP ang mumunting krimen na lumalaki at lumalawak dahil sa simpleng paglabag sa batas-trapiko at ilegal na paggamit ng di rehistradong mga sasakyan. May kampanya ang MMDA at DILG laban sa illegally-parked vehicles pero tila hindi na ito magpapatuloy sa 2020. Unang pinananagot ang mga mayor. Nagbago. Pananagutin na lang daw ang mga barangay chairman. Kawawa sa Kap. Panakip butas kay Yorme.
***
Ang sunud-sunod na pagkatalo ng PCGG sa mga kasong isinampa laban sa pamilya Marcos ay tulad din ng 89 kaso na isinampa laban sa akin bilang mamamahayag ng apat na pahayagan at isang pioneer provincial weekly (Cavite Ngayon); sa loob ng mahigit apat na dekada. Dismis lahat ng kaso dahil mahihina, o halos walang ebidensiya ang iprinisinta ng mga kalaban. Karamihan sa mga kaso ko ay mula sa makapangyarihang mga opisyal ng gobyerno. Resbak ng malakas sa mahina. Ang aking mga panalo ay nasasaad sa Ika-8 Utos ng Diyos. Sa panalo ko at pamilya Marcos, umiiral pa rin ang Best Evidence Rule (noong Nob., nagkataong nagkita kami ni ex-mayor sa firing range sa Bulacan. Nagligpit ang hukluban at lumayas). Mga journo, banat!
***
It was good a woman had succeeded Marcos because a man would have been interested in revenge. Yan ang sabi ni Cardinal Sin nang iluklok ni JPE si Cory (hindi si FVR, ayon sa aking tala noong kumober ako ng EDSA ‘86). Ang mga panalo ng pamilya Marcos sa mga kasong isinampa ng PCGG ay resbak at benggansa lang. Basta makasuhan, bahala na si batman. Napakatagal naman ng dismissal ng mga kasong sa umpisa pa lang ay wala palang katibayan.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Bagbaguin, Meycauayan City, Bulacan): Anong trabaho ang walang suweldo, walang reklamo? Ang mag-alaga ng mga apo. Dumarami ang Sona rito: solong nanay. Mistulang paanakan na lang sila ng mga panganay at ang tagapag-alaga ay mga lola. ‘daming biyaya ng mga lola: mahabang buhay para nag-aalaga ng mga apo. Meron din namang nag-aabot ng pera sa mga lola; meron din namang wala. God provides at naitatawid ang mga apo. Matiisin talaga ang mga lola. Di sinisisi ang pariwarang anak, bagkus minamahal pa.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Gasak, Meycauayan City, Bulacan): Sa mga Christmas reunions, hindi nadama ang muling pagkikita dahil kalahati ng oras ay ginugol at naaksaya sa gadgets. Ang gadgets ay nagsilbi ring simbolo ng karangyaan. Pag mahigit P100,000 ang gadget, wow. Pag Cherry Mobile C2 lang, eh di wow. Hindi na rin napag-uusapan ang edukasyon at antas ng kaalaman. Basta may pinakamahal na gadget at magarang sasakyan, no questions asked kung saan man ang mga ito galing.
***
PANALANGIN: Patatagin Mo ang aming luklukan sa susunod na taon. Sal 85:5
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Salamat Digong sa masaganang taon. Tulong pa more sa LGU. …7309, Bongabong, Pantukan, Davao de Oro.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending