TILA suki na ng mga holdaper at snatcher ang mga kawani ng Inquirer Group sa Makati. Ang holdapan ay naganap sa Chino Roces ave., habang sakay ng pampasaherong jeepney ang mga biktima. Sanay ang mga holdaper kumilatis kung anu-ano ang nasa loob ng bag ng mga biktima, kaya’t ang pinakamahal na natangay ay laptop, na gamit-hanapbuhay ng mamamahayag o kawani sa pahayagan. Noong Lunes, nabiktima ng solong snatcher na nakamotor ang isang opisyal ng IG sa kalye Davila. Sa pahapyaw na kuha ng closed-circuit television camera, batikan ang tumira dahil sa mala-gutter na pasada ay nasungkit agad nito ang bag ng biktima, saka humarurot at naglaho. Marami pang biktima ng snatching, holdap at salisi pero di na sila nagsusumbong sa pulisya kung cell phone na di naman mamahalin lang ang natangay.
Sa kalakaran ngayon, di titigil ang snatching, holdapan at salisi sa Makati at madalas na ngang nagaganap ang mga ito malapit sa mga tanggapan ng Inquirer Group. Sa malamang ay dumami pa ang mga insidente, dahil ang Makati police na lamang ang di sumusunod sa kautusan ni National Capital Region Police Office director Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., na ipatupad ang Integrated Patrol System (IPS). Ang IPS ay iniutos ni Garbo nang palitan niya si Director Leonardo Espina, na na-promote sa mas mataas na puwesto sa Crame. Kunsabagay, nang si Espina ang hepe ng NCRPO, hindi siya abala sa patrolya, kundi sa napakaraming bugok sa pulisya. Nakarami nga ng hakot ng mga bugok na pulis si Espina (klap, klap, klap) at napabayaan ang patrolya sa Makati. Di matatawaran ang kakayahan ni Garbo dahil ito’y nagtapos na United States Scout Ranger, mistah ni Espina at kabilang sa Dimalupig Class of 1981, na ang mga miyembro sa PNP at Armed Forces ay nasa matataas na puwesto na. Para sa mga biktima, hindi nakukuha iyan sa natapos at narating ng opisyal ng pulisya. Nakukukuha iyan sa trabaho.
Ang IPS ay nag-aatas sa lahat ng ground units na magpatrolya sa mga kalye sa Metro Manila, araw at gabi, at kailangang iisa ang kumpas at magkaka-ugnay ang operasyon at kilos ng nagpapatrolyang sakay ng mobil at buddy-buddy na naglalakad. Pagkatapos ng kanilang trabaho, ang bawat police team ay nagsusumite ng report card na araw-araw ay isusumite rin sa kanilang mga hepe, saka aakyat sa kanilang commanders para sa tinatawag na validation at close scrutiny. Sa nangyari sa mga kawani’t opisyal ng IG, tama ang inyong kutob: wala ito sa kanilang report card.
“I am not here to reinvent the wheel but I am here to see to it that it shall revolve efficiently,” ani Garbo sa turnover ceremony. Di na kailangan pang isalin ito sa Tagalog para lubos na maintindihan ng Makati police, bagaman kapag dumadalo sa korte ang mga pulis at iniuupo sa witness stand ay kailangan pa ng tagasalin para sa Ingles, para lubos na maintindihan hg huwes at madaling isulat sa pamamagitan ng handwritten o type transcription. Sa kanyang pahayag, nagtapos si Garbo ng: “I will be expecting your due obedience in time.” Meron bang aasahan si Garbo sa Makati police?
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, kami po ay mga negosyante sa District 2 ng Zamboanga City. Kumakalat ang text messages dito isasama ang lungsod na ito sa itatayong Bangsamoro. Kapag nangyari ito, mawawala ang middle traders na mga Kristiyano. Hindi madaling lumipat ng lugar na pagnenegosyohan dahil may konting ari-arian na rin kami rito. …9822
Sir Lito, tama lang na gawan ng ruta ang mga bus sa Maynila. Ang mali, hindi nila inuna ang kolorum na mga jeepney ay UV Express. Tama ang pag-resign ni Biazon. Ang mali, di niya ito pinanindigan. Tama lang na sabunin ni Aquino ang mga taga-BOC. Ang mali ay nang sabihin niya na makapal ang mukha. Saan siya kumukuha noon? …4183 Zamboanga City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.