Lotlot dumepensa kay Janine; Lolit Solis nag-sorry
NATURAL lang na ipagtanggol ni Lotlot de Leon ang kanyang anak sa isyung kinapapalooban nito ngayon nang dahil lang sa simpleng pagkokomento tungkol sa pagbabalik-telebisyon ni Senador Bong Revilla.
Napakaigsi lang ng ikinomento ni Janine Gutierrez, “Oh, God! Di ko kaya, besh!” lang, pero nagkaroon ng hindi kagandahang dating ‘yun sa mga nagmamahal sa aktor-pulitiko lalo na kay Manay Lolit Solis.
Natural, maraming naungkat na kuwento, punto ni Manay Lolit ay magkasama sila sa industriya ni Senador Bong pero bakit kay Janine pa nanggaling ang ganu’ng reaksiyon?
Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay, ng ginawang pagtatanggol ni Lotlot sa kanyang panganay. Hindi niya ginalaw ang isyung pinagtatalunan, ni hindi nga niya binanggit ang pangalan ni Manay Lolit, ikinuwento lang niya ang senaryo nu’ng magpaalam sa kanya si Janine na gusto na nitong mag-artista.
Ipinaliwanag ni Lotlot sa kanyang anak na sa mundo ng showbiz ay kailangang sementado ang puso ng personalidad dahil sa puwedeng ikomento ng ibang tao tungkol sa kanya.
Alam ‘yun ni Balot, alam na alam niya, dahil marami rin siyang pinagdaanang kontrobersiya na kinaya niyang lampasan dahil matapang siya.
Tapos na ang kuwento, nag-sorry na si Manay Lolit kay Lotlot, case closed na raw ang isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.