Jeremiah Tiangco itinanghal na The Clash 2 Champion; Tutuparin na ang promise kay tatay
MATUTUPAD na ang matagal nang pangarap ni Jeremiah Tiangco na mapauwi ang amang seaman matapos tanghaling grand champion sa The Clash Season 2 ng GMA 7.
Halos 20 years nang nagbabarko ang tatay ni Jeremiah at isa sa dahilan kung bakit siya sumali sa The Clash ay para hindi na magtrabaho sa malayo ang ama at para magkasama-sama na uli sila dito sa Pilipinas.
Last Sunday night, ginanap ang live final showdown ng Top 5 Clashers at si Jeremiah nga ang tinanghal na grand winner matapos makipag-face off sa kanyang special friend na si Thea Astley sa huling laban.
Bukod kay Thea, tinalo rin niya ang tatlo pang grand finalists na sina Nef Medina, Jennifer Maravilla at Antonette Tismo. Itinodo talaga ng binata ang kanyang powers sa final round with his own
versions of “I Believe I Can Fly”, “I Set Fire” at ang kanyang winning piece niyang “I Believe”.
“To God be the glory talaga kasi itong talento ko na ito. Hindi po sa akin ito. Hindi ko po talaga kine-claim na sa akin ito kasi alam ko po pinahiram lang sa akin ito ni Lord talaga.
“And ‘yung purpose ko lang naman po sa competition is maipahayag o mai-share po ‘yung talent ko po, kung ano pong meron ako, kung ano ang kaya kong gawin. Sobrang thankful po ako ang blessed dahil nangyari po ito sa buhay ko,” pahayag ng Pop Heartthrob ng Imus, Cavite.
Bukod sa titulong Second Grand Clasher, nanalo rin si Jeremiah ng P1 million cash prize, brand new car, house and lot mula sa Bria Homes, at management contract sa ilalim ng GMA Artist Center.
Sa panayam ng ilang members ng entertainment press sa binata, tuwang-tuwang ibinalita ni Jeremiah na para rin sa pinakamamahal niyang nanay at pinsan (na inampon na nila) ang kanyang tagumpay.
“Sila po talaga ng dahilan kung bakit ako nagpupursige sa buhay. This is the best Christmas gift ever. And siyempre po, maraming, maraming salamat sa lahat ng sumuporta sa akin at sa amin pong lahat sa The Clash, kung wala po kayo, wala rin po kami dito ngayon,” lahad pa ni Jeremiah.
Bago ang final showdown, nakausap na namin ang binata at nakita talaga namin sa kanya ang determinasyon na manalo pero sa kabila nito, wala kang makikitang yabang o kaangasan sa kanya kahit marami ang nagsasabi na siya na ang mananalo sa laban.
“Pumunta po ako dito sa The Clash, unang-una sa lahat, dala ko ‘yung pangarap ko. And since po, of all the Clashers and auditionees, kami po ‘yung best of the best na pinili.
“Sobrang fortunate ko po and hindi ko po papalagpasing mawala po ‘tong pangraap na ‘to. Siguro deserve ko po na manalo sa finals,” aniya.
Inamin din niya na grabe na ang nerbiyos na nadarama niya bago ganapin ang finals night, “Kinakabahan ako kasi mamaya na ‘yung salang namin.
“Pero ‘yung preparations naman na ginawa namin is alam ko namang reding-ready na kami. Kasi, rehearsals pa lang, nakita ko na on fire lahat.
“So ako, personally, ‘yung ginawa kong preparation is natulog ako nang maaga, nagbawi ako ng tulog, tapos more water.
“‘Tapos ‘yung voice ko, dapat kapag nagsasalita low tone lang kasi minsan sumisigaw na ko, e. So ngayon, nagbago ako ng lifestyle,” pahayag pa ng secong Grand Clasher.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.