Promise nina Coco, Ai Ai at Jennylyn: Hindi kayo mabubudol-budol sa ‘3Pol Trobol’
CONFIDENT at “no pressure” ang Teleserye King na si Coco Martin sa ganda at kalidad ng entry nila this year sa Metro Manila Film Festival, ang “3POL Trobol: Huli Ka Balbon”.
Bukod sa pagiging lead actor, si Coco rin ang producer, editor at direktor ng pelikula kaya talagang tutok siya mula sa pre-production, sa pagpili ng cast hanggang sa pagbuo ng kuwento at pagtutok sa akting ng bawat artista.
Makakasama ng Kapamilya award-winning actor sa movie ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas at ang Ultimate Star na si Jennylyn Mercado with Sam Milby, Carmi Martin, Joey Marquez at maraming-marami pang iba.
Sa ginanap na presscon kahapon ng “3POL Trobol”, natanong si Coco tungkol sa pagiging top-grosser sa MMFF 2019 kung saan makakalaban niya uli sina Vice Ganda at Vic Sotto, “Hindi na namin iniisip yung number one, number 2 o number 3. Ang mas excited kami, yung mapanood nila yung pinaghirapan namin.
“Kasi kung alam mong maganda yung produkto mo, excited kang mapanood yan ng mga tao, kasi alam mong makapagpapasaya ka.
“Saka ginagawa naman namin ito para sa inyong lahat, sa mga manonood. Unang-una napakahirap ng buhay ngayon, alam natin na talagang pinag-iipunan ng mga kababayan natin ang panonood nila ng sine.
“Kaya kailangan bigyan natin sila ng magandang pelikula yung masasabi nilang sulit yung ibinayad nila sa sinehan, yung lalabas silang masaya at sasabihin nila na hindi nasayang ang pera at effort nila,” pahayag pa ni Coco.
Ayon naman kay Ai Ai, sinisiguro nilang hindi magsisisi ang publiko kapag nanood sila ng “3POL Trobol”, “Lalabas sila ng sinehan na masaya, nakangiti, tapos pag-uusapan nila, ang ganda-ganda ng movie kesa naman ang maririnig mo, ‘ano ba yan, ang pangit-pangit pala. Parang nabudol-budol tayo. Scammer pala. Ganu’n.’
“So, tulad nga ng sinabi ni Baby Boy (tawag ni Ai Ai kay Coco), talagang pinaghirapan namin lahat ng eksena sa pelikula, hindi lang mga artista kundi buong production, as in lahat nagtulung-tulong para makabuo kami ng magandang movie para sa filmfest,” sey pa ng Comedy Queen.
Iikot ang kuwento ng pelikula kay Apollo “Pol” Balbon (Coco), anak ng single mother na si Mary Balbon (Ai Ai). Bllang bodyguard ng Executive Director ng National Defense, naipit si Pol bilang major suspect sa pag-ambush ng kanyang boss.
Lingid sa kaalaman nang lahat, naisiwalat pa sa kanya ng kanyang boss ang mga katiwaliang nagaganap sa ahensya bago ito namatay.
Habang pinaghahanap ng batas, kinailangang makalapit ni Pol sa anak ng kanyang boss na si Trina (Jennylyn) para masabi nito ang tungkol sa pagkamatay ng ama.
Pero mahirap makalapit sa dalaga dahil palaging nakadikit si Andrew (Sam Milby), anak ni Sen. Simon (Edu Manzano) ang utak sa nasabing murder case. Kaya napilitan si Pol na
magpanggap bilang nawalay na half-sister ni Trina na si Paloma, para maproteksyunan ang dalaga at ma-solve ang kaso.
Showing na sa Dec. 25 ang “3POL Trobol” mula sa CCM Film Production, sa direksyon ni Rodel Nacianceno a.k.a. Coco Martin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.