Carmina sinusundan ng mga ligaw na kaluluwa: Minulto sa shooting ng ‘Sunod’
NAKAKARAMDAM ng mga ligaw na kaluluwa si Carmina Villaroel – at may pagkakataon na sinusundan daw siya ng mga ito. Yan ang dahilan kung bakit ayaw niyang gumawa ng horror movies.
Pero nang ialok sa kanya ang “Sunod” mula sa TEN 17 Productions at Globe Studios, na isa sa mga official entry sa 2019 Metro Manila Film Festival, hindi raw niya ito matanggihan dahil nagandahan at na-challenge agad siya sa kuwento. Binabasa pa nga lang daw niya ang script ay kinikilabutan na siya dahil sa kakaibang istorya nito.
Ngayon lang siya uli gumawa ng horror movie makalipas ang maraming taon. Kung tama ang pagkakatanda niya, ang huli pa niyang horror movie ay “Shake, Rattle & Roll” ng Regal Films (Kulam episode), “Twelve years old pa lamang yata ako noong ginawa ko ‘yan?” sey ni Mina na aminadong matatakutin talaga siya.
“Saka feeling ko noon, sumasama sa akin. Sinusundan ako ng mga kaluluwa. Kasi siguro problemado ako noon, ito ‘yung dalaga pa ako. Pero nang nag-asawa na ako at nagka-anak, nawala na,” pahayag ng Kapuso actress. “Pero nang ibigay nila ang script nitong ‘Sunod,’ nagustuhan ko agad siya,” dagdag pa niya.
Gagampanan ni Carmina sa “Sunod” ang isang inang nagtatrabaho sa call center na makakaranas ng suud-sunod na misteryo sa mismong building na kanyang pinagtatrabahuan. Kuwento niya sa ginanap na presscon ng pelikula kamakalawa, ibang-iba ito sa mga napapanood nating Pinoy horror movies dahil wala ka pa raw nakikita sa screen ay talagang matatakot ka na.
“Kasi ‘yung nagawa ko in the past, horror comedy tapos mayroon naman straight na horror lang, tyanak, maingay ‘yung sisigaw ka. With this one since kami horror drama, medyo quiet lang, pero ‘pag nakita mo ang trailer, wala ka naman nakikita pero bakit kikilabutan ka, parang ganu’n,” sey ni Mina.
Happy din ang aktres dahil aprubado ng kanyang ninang sa kasal na si Kris Aquino ang pagpasok ng pelikulang “Sunod” sa MMFF kapalit ng pelikulang “Kampon” na na-disqualify nga sa listahan ng MMFF 2019 Magic 8. Sey ni Mina wala raw issue sa pagitan nila ni Tetay, “Noong una, nag-congratulate ako sa kaniya, kasi siya ‘yung nakapasok sa first four kasi nagti-text text naman kami. Then noong lumabas nga sa news na hindi na napasama kasi na-disqualify nga ‘yung movie nila, I also texted her.”
“Sinabi naman niya na sana kami ‘yung pumalit sa slot nila at ‘yun nga ang nangyari. Happy naman na kami ‘yung pumalit but at the same time, siyempre sad ako for her. Kumbaga nawala siya doon sa MMFF, but there’s also next year. Sana siya naman,” chika pa ng misis ni Zoren Legaspi.
Sabi pa ni Mina, “I was so thankful na it was offered to me. Matagal na akong hindi gumagawa ng horror, matagal na rin akong hindi gumagawa ng pelikula. ‘Yung mga pelikula ko in the past puro guest lang. Ito na ang full length ko ulit, so may mga offer in the past pero hindi siya swak for me but ngayon, ito nandito na ako ulit.”
Iikot ang kuwento ng “Sunod” kay Olivia (Carmina), isang call center agent na gagawin ang lahat para sa kanyang anak. Pero habang tumatagal siya sa kanilang opisina, makakaranas siya ng mga misteryosong pangyayari kung saan malalagay sa panganib ang kanyang anak. Sa trailer pa lang na ipinalabas sa presscon, talagang nakakagulat na ang mga eksena nina Carmina kaya siguradong papatok ito sa madlang pipol lalo na sa mga adik sa Pinoy horror movies.
Ang “Sunod” ang nag-iisang horror movie sa walong pelikulang kasali sa 2019 MMFF. Kasama rin dito sina Susan Africa, JC Santos, Kate Alejandrino, Mylene Dizon, Freddie Webb at ang mga child stars na sina Rhed Bustamante at Krystal Brimmer. Ito’y magsisilbi ring directorial debut ni Carlo Ledesma na naging co-writer sa “Saving Sally” (2016 MMFF entry) at nagdirek ng 2007 Cannes Film Festival Mini Movie Channel for Best Short Film, ang “The Haircut.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.