Maymay Entrata: Baka bumangon sa hukay ang lolo ko kapag…
FEELING super blessed ang Kapamilya young actress na si Maymay Entrata. Mula kasi nang magsimula siyang magtrabaho sa showbiz ay wala pa ring tigil ang pagdating ng blessings sa kanyang buhay.
Paglabas pa lang ng Pinoy Big Brother house ay hindi na natigil ang pagdating ng trabaho at hanggang ngayon ay patuloy pa ring humahataw ang kanyang career, siyempre kasama pa rin ang kanyang ka-loveteam at soulmate na si Edward Barber.
Inamin ng dalaga na may mga pagkakataon na nawawalan din siya ng tiwala sa kanyang sarili pero mas nananig ang pagiging positibo niya sa buhay dahil na rin sa pagmamahal ng kanyang pamilya at mga tagasuporta. Ito ang dahilan kung bakit mas pursigido siyang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan ng mundo ng showbiz.
“Kailangan lang pinaghahandaan bago mo gawin. Kahit marami pa yan, maliit man na bagay or malaki, dapat binibigay mo pa rin yung best mo, yung 100%. Hangga’t maaari kaya mong gawin, gagawin mo. Tapos kapag magda-doubt ka sa sarili mo, hanggang du’n ka lang. Wala namang magandang patutunguhan yun.
“Pero kapag maging positibo ka lang, hindi mo alam na mas marami pang darating sa ‘yo. At saka pag nandu’n ka na sa point na susuko ka na, lagi mo lang tatandaan kung paano ka nagsimula, ba’t nandito ka na. Saka ka pa ba susuko, nasa dulo ka na?” pahayag ni Maymay sa panayam ng ABS-CBN.
Binigyang-diin din ng partner ni Edward na ang isa sa pinakamahalagang aral na natutunan niya sa mga nakakatrabaho niya ay ang pagiging totoong tao at ang pagpapakumbaba, “Baka babangon sa hukay lolo ko kapag hindi ako humble. Tsaka iniisip ko lang lagi na matatapos din naman ito lahat. At saka ang source ng lahat ng mga blessing na meron ako ay dahil sa Kanya, hindi dahil sa kakayanan ko.
“Dahil sa dami dami ba naman ng tao bakit ako ang pinili? So maging thankful ako lagi dahil hindi naman pang habang buhay ito. Sa isang iglap mawawala na ito pero ang masaya du’n, may experience ka na maganda na puwede mo i-share sa susunod na mga kabataan na nangangarap na matupad yung pangarap nila at ma-inspire sila sa kuwento mo,” aniya pa.
Sa nasabing interview, natanong si Maymay tungkol sa kanyang kinikita sa pag-aartista at inamin nga niya na marami pa rin siyang pinagkakagastusan ngayon, “Opo, sa tuition ng pinsan ko, tapos sa bahay. Para sa sarili naman, gusto kong mag-travel pero tsaka na ‘yun. Kasi may mga libre pa namang show diyan, eh. Travel, travel tapos picture-picture lang ako du’n sa gilid. Ha-hahaha! Libre ito business class pa!”
Nagbigay din siya ng advice para sa mga tulad niyang kabataan para kahit paano’y makaipon, “Kapag nag-save ka ng money dapat ikaw lang nakakaalam, wala ng iba kahit pamilya mo. Bale iibahin mo lang yung budget mo every month tapos yun lang talaga yung gagastusin mo. Kahit zero balance ka na magtiis ka dahil inubos mo. Siyempre sa lolo ko si papa Joe ko natutunan yun.
Dahil sa kanya mas natutunan ko na mas maging kuntento ako sa simpleng buhay. Kahit kaya mo na, matuto ka pa rin makuntento.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.