Target ni Tulfo by Mon Tulfo
UMPISA na ng kampanya para sa eleksyon sa Mayo.
Marami na namang matutuwa dahil magmimistulang circus ang buong bansa.
Sari-saring gimik ang gagawin ang mga kandidato.
Andiyan yung magpapalabas ng mga artista sa entablado para hikayatin ang mga tao na makinig sa kanilang talumpati.
Andiyan yung makikipagkamay ang mga kandidato sa mga tao; may mga kandidato na hahalik pa sa mga uhuging bata kahit na sila’y nandidiri; ang iba naman ay dadalaw pa sa mga bahay ng mga botante at mamimigay ng kung anu-ano.
Andiyan yung gagawa ng kung anu-anong kagaguhan upang mapansin ng mga botante gaya ng pagsayaw saentablado, pagpapakita ng galing sa karate, kakanta sa entablado kahit na sintunado, pagtatapon ng kendi sa daan.
Kung ayaw mong maniwala na may sumasayaw sa entablado na parang mga uto-uto, babanggitin ko kung sino ang gumawa noon: Sina Gloria Macapagal-Arroyo at ang kanyang esposo na si Mike Arroyo nang tumatakbo ito bilang senador noon.
O, di naniwala kayo na gagawa ng kahit ano ang isang kandidato upang maiboto lamang.
Andiyan yung manunumpa at tatawagin ang Diyos upang sila’y paniniwalaan ng mga botante.
Meron pa nga na nagsumpa ng “Mamatay man kaming lahat ng aking pamilya kapag hindi ko tinupad ang aking pangako sa inyo kapag ako’y nasa puwesto na!”
By the way, buhay pa yung kumag at ang kanyang pamilya at hindi tinupad yung kanyang mga pangako sa
mga uto-utong botante sa isang bayan sa Luzon.
Siyempre, maraming kakalat na pera sa mga botante at ito ang pinakahihintay ng lahat. Ang tawag dito ay “pag-ambon.”
Hala, bira! Hala, bira sa mga kagaguhan at pang-uuto.
At pagkatapos ng eleksyon, sinong naloko at nauto?
Ang mga botante!
* * *
Ano ang ibig sabihin ng inyong lingkod sa pagsulat ng ganoon katindi tungkol sa mga botante?
Ibig ko lang po na gumising na tayo!
Huwag na tayong magpauto. Iboto natin ang mga kandidato na karapat-dapat na manungkulan.
Let us vote on issues and not on personalities.
Huwag nating iboto ang isang kandidato dahil siya’y tanyag na artista kahit na wala siyang utak.
Iboto natin ang isang kandidato dahil makakatulong ito sa bayan kapag siya’y nasa puwesto na.
Huwag tayong bumoto ng kandidato dahil siya’y mahina sa survey kundi dahil alam natin na siya’y may integridad at kakayahan.
Alam ba ninyo kung sino ang aking iboboto pagka-Pangulo kahit na mahina siya sa survey? Si Sen. Dick Gordon.
Para sa akin, si Dick Gordon ang pinakama may “K” o karapatan na maging Pangulo ng bansa.
Siya’y abogado, mautak, ma-prinsipiyo, matulungin sa mga nangangailangan at subok na magaling na lider.
Nang si Dick ay mayor ng Olongapo City, tahimik at malinis ang siyudad. Nang siya’y administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), naging mini-Singapore sa pag-asenso ang Freeport na dating US Navy base.
Noong siya’y nasa Subic Freeport, sumunod ang mga drayber at motorista sa batas trapiko na kanyang pinairal.
Malinis ang Subic Freeport noong siya’y namamahala na rito.
Wala siyang pinaliligtas, kahit na kaibigan o kamag-anak na lumabag sa batas sa loob ng Freeport.
Nang si Erap, na noon ay bise presidente pa, ay dumalaw sa Subic Freeport, sinamahan siya ni Gordon sa paglilibot dito.
Itinapon ni Erap ang kanyang upos na sigarilyo sa kalye. Pinulot ito ni Gordon, itinapon sa basurahan at pinagsabihan si Erap.
“Pare, lahat ay dapat sumunod sa batas sa loob ng SBMA,” sabi niya kay Erap.
Nainsulto si Erap at nagtanim ng galit kay Gordon.
Nang manalo si Erap sa pagka-Pangulo, ang una niyang order pagkatuntong niya sa Malakanyang ay tanggalin si Gordon sa puwesto.
BANDERA, 021110
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.