TNT KaTropa masusubukan ng Barangay Ginebra Gin Kings
Mga Laro Ngayong Biyernes (Nobyembre 8)
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Columbian vs Meralco
7 p.m. TNT vs Barangay Ginebra
Team Standings: NLEX (7-1); TNT (7-1); Meralco (6-2); San Miguel Beer (6-3); Barangay Ginebra (5-3); Magnolia (5-4); Columbian (4-5); NorthPort (3-5); Alaska (3-6); Phoenix Pulse (2-7); Rain or Shine (2-7); Blackwater (2-8)
MAPATIBAY ang kapit sa itaas ang hangad ng TNT KaTropa sa pagsagupa nila sa Barangay Ginebra Gin Kings sa kanilang 2019 PBA Governors’ Cup elimination round game ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Kasalukuyang nakikisalo ang KaTropa sa unang puwesto kasama ang NLEX Road Warriors sa parehong tangan na 7-1 win-loss record.
Nagwagi ang KaTropa ng pitong sunod na laro ngayong kumperensiya bago naputol ang kanilang winning streak noong Oktubre 25 matapos biguin ng Road Warriors, 126-113.
Muling sasandigan ni TNT coach Ferdinand Ravena sina import KJ McDaniels, Roger Pogoy, Troy Rosario at ang bago nilang manlalaro na si Bobby Ray Parks, na nakuha nila mula sa Blackwater Elite sa isang trade kapalit nina Don Trollano, Anthony Semerad at isang 2021 first round pick.
Asam ng Gin Kings na manalo para makasiguro ng puwesto sa playoffs round.
Magmumula naman ang Barangay Ginebra sa 101-77 pagkatalo kontra Meralco Bolts noong Nobyembre 3 at siguradong habol nila na makabangon buhat dito.
Sasandalan naman ni Barangay Ginebra coach Tim Cone sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Jeff Chan, Stanley Pringle, Greg Slaughter, LA Tenorio at import Justin Brownlee para mauwi ang krusyal na panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.