Alice Dixson hindi nagpalamon kay Aga sa 'Nuuk', pang-best actress ang akting | Bandera

Alice Dixson hindi nagpalamon kay Aga sa ‘Nuuk’, pang-best actress ang akting

Ervin Santiago - November 07, 2019 - 12:30 AM

ALICE DIXSON AT AGA MUHLACH

SUICIDE. Depresyon. Paghihiganti. Yan ang tatlo sa mga anggulong inikutan ng psycho-drama na “Nuuk” na pinagbibidahan nina Aga Muhlach at Alice Dixson.

Ito ang naging opening film sa 5th Danish Film Festival na ginanap kamakailan sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City kaya bago pa ito nag-showing kahapon sa mga sinehan ay marami nang na-shock sa kuwento ng pelikula.

Kinunan ang halos kabuuan nito sa capital city ng Greenland, ang Nuuk. Ayon sa report, ang Greenland ang may record ng “highest suicide rate in the world” dahil na rin sa location at uri ng pamumuhay doon.

Isa ito sa mga naging sentro ng tema ng “Nuuk” kung saan matapang na ipinakita ang lumalalang problema sa depresyon ng mga taong dumadaan sa iba’t ibang klase ng pagsubok, mental illness hanggang sa mauwi na nga sa pagpapakamatay.

Iikot ang kuwento sa buhay ni Elaisa Svendsen (Alice) na dumaranas ng matinding anxiety attack matapos mamatay ang asawang taga-Greenland.

Makikilala niya si Mark Alvarez (Aga) isang dating seaman na napadpad sa Nuuk dahil sa kanyang shipping business. Misteryoso ang pagkatao nito sa simula pero may pasabog pala sa ending.

Nagsimula ang maganda nilang samahan nang magkakilala sa isang drug store kung saan nagmakaawa si Elaisa kay Mark na bigyan siya anti-depressant drug na prozac.

Hanggang sa tulungan na nga ni Mark si Elaisa na labanan ang depression at maibalik ang magandang samahan nila ng anak na si Karl (Ujarneq Fleischer, isang kilalang aktor at filmmaker sa Greenland).

Pero kung kailan hulog na hulog na ang loob ni Elaisa kay Mark, bigla na lang itong mawawala na parang bula matapos silang mag-sex. Dito na mangyayari ang sunud-sunod na twist sa kuwento, kabilang na ang tunay na pagkatao ng karakter ni Aga.

Bukod sa napakagandang cinematography ng “Nuuk” at sa pulidong pagkakadirek ni Veronica Velasco, nabigyan din nina Aga at Alice ng hustisya ang kanilang mga karakter. Tama nga ang sinabi ni Direk na napakagaling ng dalawa sa pelikula at hindi malayong muling humakot ng award si Aga.

Actually, in-expect na namin na ibang Aga na naman ang mapapanood namin sa “Nuuk” pero mas nagulat kami sa ipinakita ni Alice bilang Elaisa na halos lahat na yata ng klase ng emosyon ay nailabas sa kabuuan ng movie.

Feeling namin, siya talaga ang piniga ng direktor dahil napakahirap ng mga eksenang ipinagawa sa kanya rito. Nagmarka sa amin ang breakdown scene niya kasama si Aga nu’ng malaman na niya ang tunay na pagkatao nito, lalo na yung nagwala na siya nang bonggang-bongga habang yakap-yakap ng aktor.

Kaya hindi na kami magtataka kung makasungkit din dito ng best actress si Alice dahil ito na yata ang pinakamagandang pelikulang nagawa niya sa loob ng maraming taon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Showing na ngayon ang “Nuuk” sa mga sinehan nationwide mula sa Mavx Productions, Viva Films at Octoarts Films. Pero warning lang ha, mas mabuting panoorin ito kasama ang pamilya o mga katropa- kung bakit yan ang malalaman n’yo sa ending ng pelikula.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending