Fans ni Alden nahati sa 2 team; Rochelle natikman na ang sampal ni Jean | Bandera

Fans ni Alden nahati sa 2 team; Rochelle natikman na ang sampal ni Jean

|November 04,2019
facebook
share this

Fans ni Alden nahati sa 2 team; Rochelle natikman na ang sampal ni Jean

- November 04, 2019 - 12:05 AM


MAS titindi pa ang mga kaganapan sa laging trending na Kapuso primetime series na The Gift na pinagbibidahan ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards.

Napapraning at inaatake na ng matinding kalungkutan ang mag-inang Strawberry (Jo Berry) at Lola Char (Elizabeth Oropesa) dahil unti-unti nang lumilinaw sa mga pangitain at panaginip ni Sep (Alden) ang tunay niyang pagkatao.

Natatakot silang mawala nang tuluyan si Sep sa kanila kapag nakilala na nito ang tunay na magulang.

Alam na rin nina Lola Char na si Nadia ang tunay na ina ni Sep kaya nagdesisyon silang itago ang totoo sa binata.

Samantala, inaabangan na rin ng mga Kapuso viewers ang matinding harapan nina Nadia at Francine (Rochelle Pangilinan). Nabuking na kasi ni Nadia na may relasyon ang kanyang asawang si Javier (Christian Vasquez) at si Francine.

Sa teaser ng susunod na episode ng The Gift, ipinakita na huling-huli ni Nadia ang dalawa sa loob ng kwarto kaya naman nakatikim ng napakalakas na sampal ang dakilang kabit.

Dito, mas na-excite ang viewers dahil matagal na nilang hinihintay ang paghihiganti ni Nadia lalo na sa panloloko ng kanyang asawa.

Bukod dito, siyempre abangers din ang mga fans sa mga susunod na mangyayari sa kanyang lovelife sa kuwento. Sino nga kaya kina Faith (Thia Thomalla) at Amor (Mikee Quintos) ang magiging special someone ni Sep?

Sa ngayon, nahati na rin ang televiewers sa Team Amor at Team Faith. Kanya-kanya silang comments sa social media kung bakit si Faith o si Amor ang dapat maging girlfriend ni Sep. Pero mukhang wala pang pipiliin sa kanila ang binata dahil naka-focus nga siya sa kanyang mga sariling problema.

Isa pa sa dapat abangan ay ang mas titindi pang galit ni Jared (Martin del Rosario) kay Sep dahil sa pakikipag-break sa kanya ni Faith. Siguradong mas lalo pa kayong magagalit sa mga kasamaang gagawin niya laban kay Sep, kasabay ng pagtutok sa kanyang political career.

Patuloy na tutukan ang The Gift sa GMA Telebabad pagkatapos ng Beautiful Justice sa direksyon ni LA Madridejos.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending