8 pelikula bakbakan na sa 2019 Cinema 1 Originals Festival
SAMANTALA, ipinagmamalaki ng Cinema One Originals sa ika-15 taon nito ang pagbibida sa orihinalidad ng mga Pilipino at pagbibigay ng kakaibang karanasan sa mga manonood na higit sa nakasanayang panonood ng pelikula.
Sa loob ng 15 taon, nagbigay-daan ang Cinema One Originals para makapaghatid ang mga baguhan and batikang direktor ng kani-kanilang mga obra. Ngayong 2019, walong orihinal na pelikula ang nakakuha ng P3 milyon para mabuo ang kanilang mga pelikula. Kinabibilangan ito ng apat na baguhang direktor, tatlong dati nang sumali sa kompetisyon at isang direktor na unang beses sumali sa C1 Originals.
Iba-iba man ang mga ideya at konsepto, pare-pareho namang kakaiba ang mga kwentong nais nilang ilahad.
Unang pelikula ni J.E. Tiglao ang “Metamorphosis” na pinagbibidahan nina Gold Aceron, Iana Bernardez, Ivan Padilla, Ricky Davao at Yayo Aguila na isang coming-of-age drama tungkol sa isang batang intersex.
Iibahin naman ni Dustin Celestino ang genre ng noir sa tulong ng isang comet sa “Utopia,” isang black comedy riff off tampok sina Enzo Pineda, Joem Bascon, at Aaron Villaflor.
Gothic horror naman ang handog ni Eve Baswel sa “Tia Madre” kasama sina Cherie Gil at Jana Agoncillo na iikot sa istorya ng pagdududa ng isang batang babae na nagbago ng pagkatao ang kanyang ina.
Sa “Yours Truly, Shirley” ni Nigel Santos, bibida nga si Regine Velasquez bilang isang biyuda na naniniwalang ang isang baguhang pop star na gagampanan ni Rayt Carreon ay reinkarnasyon ng namatay niyang asawa.
Nagbabalik din sa ika-15 edisyon ng Cinema One Originals sina Victor Villanueva at Kevin Dayrit na unang napanood ang mga pelikula sa Cinema One Originals.Mula sa “My Paranormal Romance,” patuloy na ipapakita ni Victor ang pagkamangha niya sa pagsasama ng romcom at kahiwagaan sa “Lucid,” kung saan bibida si Alessandra de Rossi bilang isang lucid dreamer na magugulo ang realidad at panaginip nang makilala niya ang karakter ni JM De Guzman.
Si Kevin Dayrit naman na nasa likod ng pelikulang “Catnip,” tatalakayin ngayong taon ang mga bampira, necrophilia at away sa droga sa “O” na tampok sina Anna Luna, Lauren Young, at Jasmine Curtis.
Nagbabalik naman si Giancarlo Abrahan na nagwagi na ng Best Picture sa Cinema One Originals para sa pelikula niyang “Paki,” bitbit ang obra niyang “Sila-Sila.” Bida sa pelikula sina Gio Gahol at Topper Fabregas sa isang kwento ng LGBT ghosting na tatalakay din sa relasyon ng isang extended family at grupo ng magkakaibigan na nagtutulungang malampasan ang kanilang mga problema.
Kasali rin sa kompetisyon ang “Tayo Muna Habang Hindi Pa Tayo” ni Denise O Hara na pinagbibidahan nina Jane Oineza at JC Santos, na hihimayin ang malalim na trauma na dala ng pag-ibig.
Mapapanood na ang lahat ng entry simula sa Nob. 7 hanggang 17 sa Trinoma, Glorietta, Ayala Manila Bay, Gateway, at Powerplant Makati. Mapapanood din ito sa Vista Cinemas sa Iloilo at Evia Lifestyle at sa Cinema Centenario, Cinema ‘76, Black Maria, UP Cine Adarna, at FDCP Cinematheque Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.