Showbiz couple ipinakulong ang yaya, inakusahang nagnakaw ng mga alahas
NAKALULUNGKOT ang kuwentong ipinarating sa aming kaibigan ng isang source.
Ang istorya ay umiikot sa pagpapakulong ng isang showbiz couple sa isang matagal na nilang kasambahay.
Mga bata pa ang kanilang anak ay nasa kanila na ang nasabing kasambahay, sumasama-sama rin ito kapag may shooting o taping ang female personality, dekada na ang kanilang pinagsamahan.
Kuwento ng aming source, “Matagal na siyang nakakulong, pinagbintangan siyang nagnakaw ng mga alahas ni ____ (pangalan ng pamosong female personality) na milyones daw ang amount.
“Sumusumpa ang yaya na hindi niya ginawa ‘yun, sa tagal na niyang naglilingkod sa pamilya, e, wala siyang anumang record ng pagnanakaw sa pamilya.
“Napakarami nang nakiusap sa showbiz couple na iurong na ang demanda dahil may edad na si yaya, pati ang mga kapatid nu’ng kasambahay, e, palaging nagpupunta sa subdivision nila para sana makiusap, pero hindi naman sila pinapapasok ng mga guards.
“Ilang beses na nilang ginawa ‘yun pero hanggang gate lang sila. Itinatawag ang mga bisita sa homeowner, di ba? Talagang hanggang gate lang sila,” naaawang kuwento ng aming impormante.
Pumanaw na ang ina ng kasambahay ilang buwan na ang nakararaan, pero hindi na ‘yun ipinarating sa kanya ng pamilya, dahil siguradong hindi ‘yun kakayanin ng nakakulong na sobrang mahal ang ina nito.
Patuloy ng aming source, “Ang sabi nu’ng kasambabay, e, nagiging malilimutin na raw ang female personality. Alam niya ‘yun dahil maraming beses na palang nawawala ang mga kagamitan ng pinagsisilbihan niya, pero kapag nagtagal-tagal, e, naaalala rin niya kung saan niya inilagay ang hinahanap niya.
“Ganu’n din siguro ang nangyari sa nawawala niyang mga alahas, baka nailagay lang niya sa kung saan, baka naman one day, e, maisip din niya na itinago pala niya ‘yun!
“Nakakaawa naman si yaya, matanda na siya, halos buong buhay niya, e, ipinagsilbi na niya sa pamilyang nagpakulong sa kanya. Sana nga, e, matandaan na nu’ng female personality kung saan niya itinago ang mga nawawalang alahas na ibinibintang nila sa yaya.
“Kilala namang mabait ang female personality, kaya sana, iurong na nila ang kaso laban sa taong napakatagal nang nagtatrabaho sa kanila,” malungkot na pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, wala kaming clue pero dating sumikat bilang singers ang mag-asawa, may anak na artista at pamangking singer-actress ang kilalang female personality.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.