May nagawa ba sila?
MAGTANONG naman sana tayo, tulad ng pasaring ni Sen. Miriam Santiago, sa ilang presidentiables, kung may nagawa ba sila…
Tulad ni Sen. Mar Roxas. Sa kanyang infomercials ay ipaglalaban niya ang mahihirap na walang karapatang magkasakit, ang “namamatay” sa gutom dahil sa pagsasara ng luging mga pabrika (pero wala naman talagang namamatay sa gutom), ang umano’y talamak na nakawan sa gobyerno.
Tama ang tanong ni Santiago. Matagal na sa gobyerno si Roxas, wala siyang nagawa (para kay Santiago). Balingan naman natin ang mga kababayan ni Roxas sa Capiz. Marami nang nanungkulang Roxas sa pambansang politika, pero lahat sila’y nakalimutang linangin ang nakatiwangwang na “ginto” sa kanilang bakuran, tulad ng Baybay Beach sa Roxas City, na maaaring may pinakamahabang puti at pulbos na buhangin; ang mahiwagang Olotongan Island resort, Ibisan white sand, Panay at Pilar beaches, Dumarao Cave at maalamat na Tapas Mountain Lake. Kaya’t padyak pa rin nang padyak ang mismong kababayan niya.
Si Atty. Adel Tamano, tagapagsalita ng Nacionalista Party, ay nagsaliksik, pero wala siyang nakitang ginawa ng presidentiable na si Sen. Francis Escudero sa kanyang distrito sa Sorsogon, na hinawakan ng guwapong politiko sa loob ng siyam na taon. Hinahanap ni Tamano ang “showcase” ni Escudero sa Sorsogon, na maaaring kanyang basehan sa pagtakbo at ipagmalaki sa buong bansa (tulad ng pagmamalaki ni Makati Mayor Jejomar Binay sa kanyang lungsod). Ano nga ba ang showcase sa Sorsogon? Kitchen showcase, living room showcase o entertainment showcase? Na di rin nakita ni Tamano (kongresista ni Escudero sa unang distrito ng Sorsogon simula 1998 hanggang 2007).
Wala ring nakitang malaking panukalang batas ni Escudero para umunlad ang kanyang lalawigan. Ayon sa kanyang website, www.chizescudero.com, may panukala naman. Ang Republic Act 8980 (An Act Promulgating a Comprehensive Policy and a National System for Early Childhood Care and Development). Policy at system para sa nagugutom at naghihirap?
Ito namang nakakulong na si Marine Col. Ariel Querubin ay gusto namang maging senador at tumakbo sa eleksyon sa 2010.
Ayon kay Querubin, tatakbo siya sa eleksyon dahil meron siyang dangal, prinsipyo at tapang. Anu? Ano ba ang nagawa niya? Gayun din kina dating Marine Capt. Gary Alejano (tatakbong mayor); at dating Navy Lt. James Layug at ex-Air Force 1Lt. Francisco Ashley Acedillo, na tatakbo sa pagka-kongresista.
Magiging politiko pagkatapos mag-alsa?
Lito Bautista, Executive Editor-Bandera
(Bandera Editorial, August 17, 2009 Issue)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.