SA ikalimang sunod na buwan, muling bumaba ng singil ng Manila Electric Company.
Ayon sa Meralco bumaba ng P0.5260 kada kiloWatt hour ang singil nito para sa buwan ng Setyembre.
Mula Abril ay bumaba na ang singil ng Meralco ng kabuuang P1.52 kada kWh.
Ang pagbaba ay bunsod ng mas murang singil sa generation charge. Mula sa P4.9620 kada kWh noong Agosto ay bumaba ito sa P4.5191/ kWh ngayong Setyembre. Bumaba ang generation charge dahil sa mas mababang presyo sa
Wholesale Electricity Spot Market.
Bumaba ang singil dahil sa mas maayos na suplay sa Luzon grid. Hindi nagdeklara ang National Grid Corporation of the Philippines ng Yellow o Red Alert noong Agosto hindi gaya noong Hulyo na siyam na beses nag-Yellow Alert.
Ipinag-utos din ng Energy Regulatory Commission ang pagbabalik sa mga konsumer ng Net Settlement Surplus kaugnay ng sobrang nasingil nito.
Bumaba rin ang presyo ng kuryente mula sa Power Supply Agreements ng P0.1522/kWh dahil sa mas murang presyo ng petrolyo.
Tumaas naman ng P0.4844/kWh ang presyo ng kuryente mula sa Independent Power Producers at mas mahinang piso kontra dolyar.
Tumaas din ang transmission charge sa residential consumer ng P0.0056/kWh.
Bumaba naman ang buwis ng P0.0886/kWh.
Hindi naman gumalaw ang singil ng Meralco sa distribution, supply at metering charge sa nakaraang 50 buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.