Arjo lumikha ng ingay sa General's Daughter: Hayop talaga! | Bandera

Arjo lumikha ng ingay sa General’s Daughter: Hayop talaga!

Cristy Fermin - September 06, 2019 - 12:35 AM

ARJO ATAYDE

Siya na talaga! Kung pag-arte ang pag-uusapan ay napakaraming pakakainin ng alikabok ni Arjo Atayde.

Isang gabi ‘yun sa The General’s Daughter, na tapos mo nang tutukan ang napakagaling na pagganap ng anak ni Sylvia Sanchez ay parang kanta ‘yun na palagi mong naaalala.

Miyerkules nang gabi ay puro text ng mga kaibigan ang aming tinatanggap nang dahil kay Arjo na gumaganap bilang si Elai na anak ni Maricel Soriano na may kakulangan sa wastong pag-iisip.

‘Yun ang eksenang binawian ng buhay ang kakikilala pa lang niyang amang si Emilio Garcia. Hayup lang ang paglalarawang maikakapit namin sa napakahusay na pagganap ni Arjo na paulit-ulit na nagsasabi sa kanyang ama na bawal matulog habang iyak nang iyak.

Nililiglig ni Arjo ang kanyang kaeksena habang nagbibitiw ng mga linyang siya lang ang makagagawa sa sarili niyang tono ng pagdadayalog, iiyakan mo si Arjo Atayde sa eksenang ‘yun, pusong-bato lang ang hindi matitinag sa kanyang talento.

Tagahanga kami ni Arjo Atayde, palagi namin siyang ipinagmamalaki, wala kasi siyang pakialam sa kanyang itsura kapag pumapasok na sa kanyang pagkatao ang karakter ni Elai.

Ganu’n ang personalidad na nagmamahal sa kanyang trabaho, kinalilimutan muna kung sino siya sa totoong buhay, nakatutok lang ang kanyang atensiyon sa papel na ginagampanan niya.

Nagmana nga ang magaling na aktor sa kanyang pinagmanahan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending