Ninang sa ‘viral wedding’ na nagkamali sa oras ng kasal nag-sorry na
NAG-SORRY na ang ninang sa viral wedding sa Amlan, Negros Oriental, matapos sumama ang loob ng bride at groom habang sila’y ikinakasal.
Hindi lang sa bagong kasal humingi ng paumanhin si Charlene Sunico, kundi pati na rin sa mga pamilya at kaanak ng ikinasal at sa simbahan kung saan naganap ang wedding.
Ayon kay Charlene, isa nga sa mga tumayong ninang, totoong siya ang nagbigay ng maling impormasyon sa bagong kasal na sina Janine at Jove Sagario tungkol sa pagbabago ng oras ng seremonya.
Baka Bet Mo: Kris Bernal napiling ninang, ninong ng anak sina Rhian Ramos, Rocco Nacino, Jennylyn Mercado
Naka-schedule talaga ng 8 a.m. ang kasal pero sinabihan daw ni Charlene sina Janine at Jove na nalipat ito ng 9:30 a.m.. At dahil nga rito, na-late ang mag-asawa at napagalitan pa ng pari.
Naglabas ng sama ng loob si Janine sa pamamagitan ng kanyang Facebook account na mabilis ngang nag-viral sa social media.
Sa isang video na ibinahagi ng abogadong si Ruphil Bañoc ngayong araw, June 12, sa kanyang programa na “Straight to the Point” para sa radyo dyHP, sinabi ni Sunico na humingi siya ng paumanhin sa mga pari ng Saint Andrew the Apostle Parish at sa mga pamilya na naroroon sa kasal.
“Humingi agad ako ng paumanhin dahil inamin ko ang aking pagkakamali,” aniya.
View this post on Instagram
Dumalo rin siya sa kasal upang personal na magbigay ng paumanhin kina Jove at Janine at sa pari na nagmisa na nakatanggap ng kaliwa’t kanang batikos.
Ayon kay Sunico, na nagsilbi rin sa Saint Andrew, pinagsabihan siya ng isang tao sa simbahan na nagbago ang iskedyul ng kasal nina Janine at Jove. Ito ang nagtulak sa kanya na ipaalam sa mga pamilya ang pagbabago.
“Hindi ko alam na ang impormasyong iyon ay tsismis lamang, pero nagtitiwala ako dahil ako’y nagsisilbi sa simbahan,” sabi niya.
Ngunit tumanggi si Sunico na pangalanan ang taong nagbigay ng maling impormasyon, dahil ito ay magpapalala lamang ng isyu.
Baka Bet Mo: Lalaking taga-ibang bansa nag-propose kay Kylie Verzosa: I want to marry you, I love you very much!
Humiling din si Sunico sa publiko na itigil na ang pag-post ng mga malisyosong impormasyon tungkol sa kanya at sa mga partido na kasangkot.
Naging viral sa social media ang kasal nina Janine at Jove Sagario matapos ibahagi ng bride ang hindi magandang karanasan nila sa Saint Andrew Church noong Hunyo 8.
Humingi ng paumanhin si Msgr. Albert Erasmo Bohol, ang parish priest, sa magkasintahan at sa mga pamilya dahil sa kanilang itinuring na kaso ng miscommunication.
Nilinaw din ni Bohol na wala silang ginawang anumang pagbabago at walang inilabas na opisyal na komunikasyon sa pamilya. Ito ay dahil may nakatakdang libing pagkatapos ng kasal.
Sa kabila nito, nagtulungan ang mga nagmamalasakit na mamamayan at netizens upang matulungan ang Suelto-Sagario couple na muling likhain ang kanilang malaking araw. (Halaw mula sa ulat ng Cebu Daily News)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.