Alden tumatanaw ng malaking utang na loob kay Maine
Lahat ng dahilan para siya maging maligaya ay hawak ngayon ni Alden Richards. May bagong titulo na siya ngayon, hindi na basta Pambansang Bae lang, siya na rin ang tinatawag na Asia’s Multimedia Star.
Parang nahihiya pang tanggapin ni Alden ang bago niyang titulo, pero iba naman ang nagbigay nu’n sa kanya, kaya buong-puso niyang pinasasalamatan.
Sa loob nang siyam na taon niyang pagsisipag, pagpupuyat at pagpupunyagi ay pinipitas na ngayon ni Alden Richards ang mga bunga ng kanyang pagsisikap.
Maayos na personal na buhay, mabungang karera, mga taong naliligayahan para sa kanyang tagumpay. Wala na nga siyang mahihiling pa ngayon.
Sa matinding tagumpay ng pelikulang pinagtambalan nila ni Kathryn Bernardo na mayhawak na ngayon ng markang highest grossing Filipino film of all time ay may mga pagkakataong kinakausap ng binatang aktor ang kanyang sarili.
Na natural lang naman para sa isang personalidad na hindi umaasang sa dulo pala ng kanyang pagsisikap at pagtitiyaga ay nandu’n ang katuparan ng kanyang mga pangarap.
Aminado si Alden na ang naging susi sa simula ng kanyang tagumpay ay ang tambalan nila ni Maine Mendoza, napakalaki ng nagawa ng kanilang loveteam sa career niya, hanggang sa nagkasanga-sanga na nga ang kanyang tagumpay.
Hinihintay na ngayon ng kanyang mga tagasuporta ang bago niyang serye sa GMA 7, ang The Gift, na siguradong nakatakda na namang maging isang malaking tagumpay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.