NAGBABALIK na ang husay ni Dennis “Robocop” Orcullo.Nitong Lunes (Philippine time) nakopo ng numero unong pool player ng Pilipinas ang kampeonato ng US Open One Pocket Championship 2013 na ginanap sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Tinalo ng manlalaro ng Bugsy International Promotions sa finals ang Derby City One Pocket champion na si Corey Deuel ng Estados Unidos, 5-3, para masungkit ang kauna-unahan niyang major title ng taon.
Sa finals, agad na humirit ng dikit na panalo si Orcullo para sa 2-0 lead ngunit sinagot ito ni Deuel ng dalawang sunod na panalo para makatabla sa 2-all.
Kinuha ni Orcullo ang sumunod na laro ngunit agad ding bumawi ang katunggali para muling magpantay ang iskor sa 3-all.
Sa sumunod na rack ay nagkamit ng error si Deuel at madaling nakuha ni Orcullo ang panalo.
Sa ikawalong laro ay maagang lumamang si Deuel ngunit naibuslo ni Orcullo ang huling anim na bola para manalo.Muntik nang magkaroon ng all-Filipino duel sa finals ngunit nabigo si Carlo “The Black Tiger” Biado kontra kay Deuel sa one-loss side.
Ang kampanya ng mga Pinoy dito ay sinuportahan ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, Bugsy International Promotions, Puyat Sports, Hermes Sports Bar, Boss Tapa Food and Restaurant, King of Sports Resto Bar at Malungai Life Oil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.