TATLONG tao ang napatay nang mang-raid ang pulisya laban sa kidnap-for-ransom gang, na pinamumunuan ng isang dating pulis, sa Indang, Cavite, Miyerkules ng madaling-araw.
Nakilala ang isa sa mga napatay sa tawag na Vince alyas “Pigsa,” pinagkakatiwalaang tauhan ni dating PO3 Magdaleno Pacia, sabi ni Col. William Segun, direktor ng Cavite provincial police.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa pang lalaking napatay habang si Pacia, ang pangunahing target ng raid, ay di natagpuan, aniya.
Isinagawa ng mga miyembro ng PNP Anti-Kidnapping Group, regional intelligence personnel, at Indang Police ang operasyon sa Brgy. Kayquit 1, alas-2:48.
Ipinatupad ng pulisya ang search warrant laban kay Pacia para sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, sabi ni Segun sa kanyang ulat.
Habang palapit ang raiding team sa target na bahay, umalingawngaw ang mga putok ng baril mula doon kaya gumanti ang mga operatiba, aniya.
Natagpuan ng mga operatiba ang bangkay ng tatlong lalaki, isang M16 rifle, kalibre-.9mm pistola, kal. 45 pistola, at isang pulang Suzuki Ertiga, sa pinangyarihan.
Ayon kay Col. Jonnel Estomo, direktor ng PNP-AKG, sangkot ang grupo ni Pacia sa pagdukot ng ilang Chinese national sa iba-ibang bahagi ng Metro Manila mula Abril 2017 hanggang Hinyo ngayong taon.
Nakunan sa CCTV ang mukha ng ilan sa mga kidnaper, at nai-balita pa sa telebisyon, aniya.
Bago ang operasyon, nakatanggap ang AKG ng impormasyon na namataan ang grupo ni Pacia sa Cavite, may safehouse doon, at nakita pang gumagamit ng nakaw na sasakyan, ani Estomo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.