NASAWI ang isang lalaki nang maaksidente habang nagtatrabaho sa lugar na pinagtatayuan ng isang Philippine offshore gaming operation (POGO) hub sa Kawit, Cavite, nitong Martes.
Idineklarang patay sa ospital si Manuel Oli, 32, trabahador sa SPARC construction site na nasa compound ng dating Island Cove resort sa Brgy. Pulvorista, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-6.
Nagkakabit si Oli ng anchor bolt sa isang tie beam nang gumuho ang lupa sa gilid ng katabing column beam at siya’y nabagsakan, ayon sa ulat.
Tinatayang aabot sa 3.8 tonelada ang bigat ng bumagsak sa likod ng trabahador, ayon sa pulisya.
Dinala si Oli sa clinic ng construction site para sa paunang lunas at pagdaka’y nilipat sa isang pagamutan, kung saan siya idineklarang patay.
Ang compound ng Island Cove ay dating ginamit bilang resort at wildlife sanctuary bago nabili ng First Orient International Ventures Corp., na katuwang ng real estate arm nitong SPARC Properties.
Nagtatayo doon ng POGO hub na patatakbuhin ng online casino at gaming operator na Oriental Game.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.