Anne pang-best actress sa ‘Just a Stranger’; Marco may pabukol na, may papwet pa
SA kauna-unahang pagkakataon, napa-wow at super palakpak kami sa akting ni Anne Curtis sa latest movie niyang “Just A Stranger.”
Nabigyan kami ng chance na mapanood ang pelikula sa ginanap na premiere night last Monday sa SM Megamall. Present siyempre si Anne at ang leading man niyang si Marco Gumabao kasama ang kanilang direktor na si Jason Paul Laxamana.
In fairness, ang lakas pala talaga ng chemistry on screen nina Anne at Marco, lalo na sa kanilang sex scenes. Totoo ang sinabi ni Direk Jason na game na game ang dalawa sa laplapan at love scene.
Siguradong mag-eenjoy ang mga girls and gays na nagpapantasya kay Marco dahil bukod sa kanyang pa-abs at pabukol, meron din siyang papwet sa movie kaya tilian talaga ang manonood.
Ito rin ang masasabi naming pinaka-erotic at pinakapalabang role ni Anne, hindi siya nagpatalo kay Marco sa pagiging hot sa kama.
Kung hindi kami nagkakamali may tatlo silang intense intimate scenes sa “Just A Stranger”, idagdag pa ang eksena kung saan “dinilaan” ni Marco si Anne.
Pero bukod dito, mas pinalakpakan namin ang akting ng dalawang bida dahil ang galing-galing nila sa lahat ng kanilang mga eksena.
Nagtagumpay si Direk Paul sa kanyang layunin na ipakita ang emosyon ng dalawang taong pinagtagpo at na-in love sa maling pagkakataon at panahon.
Perfect si Marco sa kanyang role bilang si Jericho na sunud-sunuran lang sa gusto ng kayang magulang kaya nang makilala niya si Mae (Anne) sa isang beach sa Lisbon, Portugal, gumawa talaga siya ng paraan para makilala ito at magkatikiman.
Pero ang one night stand ay nagkaroon pa ng part 2 at part 3 nang muli silang magkita sa Old Railway Station sa San Fernando City, Pampanga.
Dito na magsisimula ang twists and turns ng kuwento, lalo na nang malaman na ng asawa ni Mae na si Phil (Edu Manzano) ang pagkakaroon niya ng kabit na mas bata pa sa kanila. Maikli lang ang role ni Edu pero sure kaming magmamarka ito sa publiko.
Ang mga susunod na eksena sa pelikula ay siguradong ikaka-shock ng manonood kaya hindi na namin ikukuwento. Pero dito naipakita ni Anne na isa rin siyang aktres, lalo na sa breakdown scene niya nang malaman ang tunay na nangyari kay Marco. Nadala kami sa crying scene niya na bagamat walang dialogue ay ramdam na ramdam mo ang sakit at guilt na napi-feel niya.
Bukod pa diyan ang pang-best actress moment niya sa ending kung saan nagwala at napamura talaga siya nang bonggang-bongga sa loob ng simbahan.
Bentang-benta rin sa manonood ang karakter ni Josef Elizalde bilang pari na pinagkumpisalan ni Anne sa simbahan.
Sa kanya ikinuwento ni Mae ang lahat ng nangyari sa illicit love affair ni Jericho at kung paano naging masalimuot ang naging buhay niya mula nang pumayag siyang makipag-sex sa lalaking mas bata sa kanya.
In fairness, kahit mabigat ang tema ng pelikula nabigyan ni Josef ng funny moments ang kuwento bilang paring “tsismoso.”
Kilala si Direk Jason Paul sa mga pelikulang may sad ending pero ang “JAS” na yata ang pinaka-tragic sa lahat ng obra niya, tulad ng “100 Tula Para kay Stella”, “Day After Valentine” at “Between Maybes”.
Pero kailangan ngang ipakita na kapag may ginawa kang kasalanan, dapat pagbayaran at kapag nagmahal ka nang totoo dapat panindigan.
Siguradong magmamarka rin sa manonood ang last scene sa movie kung saan nabigyan ng chance si Anne na banggitin ang title ng pelikula. Sigurado kaming lalaban ito nang bonggang-bongga sa susunod na awards season.
Kasama rin sa “Just A Stranger” sina Cherie Gil, Robert Seña, Isay Alvarez, Ana Abad Santos, Menggie Cobarrubias, Danita Paner, C.J. Javarata, Pio Balbuena, Abby Bautista, Seira Briones at Jas Rodriguez. Showing na ito ngayon sa lahat ng sinehan nationwide mula sa Viva Films.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.