Butch ayaw sa korapsyon | Bandera

Butch ayaw sa korapsyon

- August 06, 2019 - 10:00 PM

DAHIL sa ayaw ng korapsyon ay pansamantalang iiwan muna ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez ang kanyang ‘‘cool, chillax, at down-to-earth” image.
Oras na para maging seryoso at isaayos ang landas ng Philippine sports.
Sabi nga ng isang barkada, halatang galit na si chairman pero maaliwalas pa rin ang kanyang mukha.
Seryoso si Butch nang pag-usapan ang pinansyal na aspeto para sa hosting ng bansa sa darating na 30th Southeast Asian Games na gaganapin mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 ngayong taon.
Bakit nga naman hindi?
PSC ang ahensya ng gobyerno na inatasang magbigay ng pondo sa mga national sports association na may tungkulin namang hasain at tiyakin ang kahandaan ang mga pambansang atleta sa SEA Games na lalahukan ng hindi kukulangin sa 10,000 atleta mula sa Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Thailand, Timor Leste, Singapore at Vietnam.
Magtatagisan ng husay at lakas ang mga manlalaro sa nakalululang 54 sports events na gagawin sa world-class New Clark City sports complex sa Capas, Tarlac, Subic Bay Metropolitan Authority, Tagaytay at sa National Capital Region.
Hindi ko masisisi kundi papurihan si chairman. Nais lamang niyang tiyakin na ang kaban ng bayan ay hindi mawawaldas. Gusto niyang ang pera ng taumbayan ay mapunta sa tama at magamit kung saan ito nararapat.
Nais ni chairman Butch na sundin ang mga utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang korapsyon sa gobyerno.
Ang maganda nito ay buo ang samahan ng PSC. ‘Ika nga ay nagkakaisa ang mga PSC commissioners na sina Celia Kiram, Ramon Fernandez, Charles Maxey at Arnold Agustin sa layunin ni Butch na maging tagumpay ang hosting ng Pilipinas sa SEA Games.
Kaiba ito sa sitwasyon sa Philippine Olympic Committee (POC) na bagamat may bago nang halal na pangulo matapos ang pinakahihintay na eleksyon ay wala pa ring pagkakaisa. Ang gulo-gulo pa rin.

Handa pa rin namang tumulong ang PSC sa POC at mga NSA pero, hiling lang ni Ramirez na kailangang isaayos ang bawat “request for funding.” Walang hokus-pokus.
Simpli lang naman ang pagpapantay. PSC ang puputukan ng galit ni Digong kung lalabas na may korapsyon kaya’t sa mga lider ng bawat NSA, ayusin niyo ang mga sarili ninyo sapagkat papatulan kayo ni chairman na siya ring chef de mission ng SEA Games.
Kaugnay nito todo-trabaho sina Ramirez at ang mga commisioners kasama sina deputy chef de mission at Barcelona Olympics bronze medalist Stephen Fernandez at Ada Milby upang tiyakin na plantsado ang paghahanda ng mga atleta.
Tiniyak ni Ramirez na walang makakalusot sa listahan ng mga atleta sa pamamagitan ng “palakasan”.
Makalalaro para sa Pilipinas ang mga may mga kakayahang magbigay ng medalya. Hindi puwede ang pamangkin, pinsan, boyfriend, girlfriend, alipures, hawi boys ng mga opisyal. Walang palakasan dito, ani Ramirez.
“We will screen the list and then we will talk one-on-one with NSAs. It will be heart-to-heart talk. We will ask them if these athletes will really deliver medals because they are the one who know well their athletes,” ani Ramirez. “There are criteria like those who performed in the international competitions and if they are not qualified, they (athletes) don’t deserve to be part of the games.’’
Nakakalula ang bilang ng pambansang delegasyon. May 1,245 atleta at 623 opisyal ang kabuuang numero ng mga nasyonal na nagnanais (kahit hindi inaamin) na muling makuha ang overall title na nagawa ng bansa noong 2005 SEA Games. Ito ang ikaapat na beses na gagawin sa bansa ang SEA Games. Host ang Pilipinas noong 1981, 1991, 2005 at ngayong 2019 SEA Games.
Ang maganda nito ay nagkakaisa ang buong bansa tuwing may SEA Games. Asahan na muling ipapakita ng mga Pinoy sa ating mga kapitbahay ang kakaibang Pinoy-brand of hospitality.
At malaking bonus kung babalik tayo bilang pangkalahatang kampeon na magpapatunay na kung may pagkakaisa ay tiyak may magandang resulta.
Hindi nais ni chairman na magbigay ng prediksyon kung ano ang kahihinatnan ng kampanya ng Pilipinas. Siya rin ang chef de mission ng matagumpay na kampanya ng Pilipinas noong 2005.
Ang tanging masasabi ni chairman Butch ay ito matapos tanungin kung ano ang utos sa kanya ng kanyang boss na si Digong.
‘’‘Sabi ni Mayor (President Duterte), ’Butch, we are not rich country but we will do our best fair and square’. If we win, let’s celebrate; if not, let’s find what’s lacking’,” aniya.
Isa ang tiyak, hahakot ng ginto ang Pilipinas sa SEA Games.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending