Demandahan waley na: ‘Ipatu-Tulfo kita!’ ang usong resbak
Napakasarap tumutok sa “Wanted Sa Radyo” na pagtimon ni Raffy Tulfo. Parang teleserye ang kanyang programa sa Radyo Singko, iba-ibang problema ang idinudulog sa kanya ng ating mga kababayan, na nasosolusyunan naman ng popular na radio-TV anchor.
May iniwan ng mister para sa isang batambatang babae. May magulang na isinusumbong kung paano ito bastusin ng kanyang anak na gumagamit ng droga. May pinaglalabanang kustodiya ng mga anak, may niloko ng kanyang kaibigan, halos lahat yata ng problema sa mundo ay maririnig na namin sa programa ni Raffy Tulfo.
Kung dati’y demanda ang ipinananakot ng isang naloko, ngayon ay iba na, “Ipatu-Tulfo kita!” ‘Yun ang dahilan kung bakit madaling-araw pa lang ay punumpuno na ang palibot ng TV5 ng mga magsusumbong-mananawagan sa “Wanted Sa Radyo.”
Ibang klase ang popula-ridad ngayon ni Kuya Raffy, ang kanyang YouTube Channel ay may mahigit na limang milyon nang subscribers, du’n mapapanood nang detalyado ang mga problemang inilalapit sa kanya ng mga kababayan natin.
Parang teleserye talaga ang kanyang programa, buhay na buhay ang mga tauhan ng iba-ibang istorya, pinaghaharap ni Kuya Raffy ang nagrereklamo at ang ini-rereklamo sa “Wanted Sa Radyo.”
Siya ang pinakasikat na Tulfo ngayon, siya ang pini-piling lapitan at pagkatiwalaan ng mga problemado nating kababayan dahil may resulta ang kanilang mga problema.
Namamahagi rin si Kuya Raffy ng tulong sa mga walang pampalibing, sa mga walang pambili ng gamot, lahat na ng klase ng problema ay naidulog na kay Raffy Tulfo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.