NASAWI ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng di pa kilalang salarin sa harap ng kanyang bahay, sa Biñan City, Laguna, Martes ng gabi.
Dead on arrival sa ospital si Romeo Manalo, residente’t kagawad ng Brgy. Dela Paz, dahil sa mga tama ng bala sa katawan, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-11:45, sa San Isidro Subd., Brgy. Dela Paz.
Nakatayo si Manalo sa tapat ng kanyang bahay nang pagbabarilin. Itinakbo pa siya ng barangay rescue unit sa pinakamalapit na ospital, ngunit di na umabot nang buhay.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng salarin, na agad tumakas matapos ang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.