NITONG Biyernes, ginulat ang mga manggagawa ng pahayag mula sa Palasyo matapos namang kumpirmahin at ilabas ang veto message na nagbabasura sa panukalang Security of Tenure bill o mas kilala bilang Anti-Endo bill na naglalayon sanang wakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Mismong ang Palasyo ang nagkumpirma kaugnay ng lobby ng mga employers group na siyang naging basehan naman para i-veto ni Pangulong Duterte ang Anti-Endo bill.
Umasa ang mga ordinaryong manggagawa dahil isa ang Endo sa mga campaign promises ni Pangulong Duterte kaya hindi maipagkakailang isa ito sa mga dahilan kaya ibinoto ang presidente ng maraming botante.
Ilang dekada na kasing hinintay ng mga manggagawa na sa wakas ay may tutupad na maisabatas ang Anti-Endo bill at nagkaroon ng pag-asa matapos ipangako ito ni Pangulong Duterte.
Makailang ulit pa siyang nanawagan sa Kongreso na isabatas na ang Anti-Endo bill.
Sa pagkakabasura ng Anti-Endo bill, tanging ang mga employers ang nagbubunyi, partikular ang malalaking korporasyon na naging bahagi na ng kanilang istratehiya.
Isang aral lang ang dapat matutunan dito ng mga botante, ito ay hindi dapat umasa na tutuparin ng mga kandidato ang kanilang mga naipangako sa kampanya.
Sakaling nakaupo na, pangakong napako na ang magiging wakas nito.
Tiyak namang magiging paliwanag ng administrasyon sa naging desisyon ay ang banta rin ng mga employers na mas maraming mawawalan ng trabaho sakaling maisabatas ang Anti-Endo bill.
Alam naman ng lahat na noon pa ay ganito na ang sinasabi ng mga employers kayat dapat ay napaghandaan na ito at kung hindi naman pala kayang ipatupad ay hindi na dapat ipinangako.
Kawawang mga manggagawa, mananatiling mga kontraktuwal at pipirma ng kontrata ng limang buwan.
Mananatili silang walang security of tenure at walang mga benepisyong naghihintay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.