Pulse Asia: Chinese na bumangga sa bangka ng Pinoy papanagutin
NAIS ng mga Pilipino na papanagutin ang China at mga Chinese na bumangga sa bangka ng mga mangingisda sa Recto Bank kaya ito lumubog, ayon sa survey ng Pulse Asia.
Sa survey na isinagawa mula Hunyo 24-30, 87 porsyento ang nagsabi na nabalitaan nila ang pangyayaring ito at 13 porsyento naman ang nagsabi na nalaman lang nila ito nang tanungin sa survey.
Tinanong ang mga respondent kung bukod sa paghahain ng pormal na reklamo, ano ang dapat na gawin ng Duterte administration kaugnay ng insidente.
Ayon sa 36 porsyento, dapat hilingin ng Pilipinas sa China na papanagutin ang mga crew ng Chinese vessel na bumangga at umiwan sa mga Pilipinong mangingisda habang unti-unting lumulubog ang kanilang bangka.
Ayon naman sa 26 porsyento dapat ay papanagutin ng China ang kanilang mga mangingisda na may kagagawan sa paglubog ng bangka ng mga Pilipino.
Sinabi naman ng 19 porsyento na dapat iharap ng China sa korte ng Pilipinas ang mga sangkot sa insidente upang mapapanagot ang mga ito.
Ayon naman sa 10 porsyento na dapat magkaroon na ang kasunduan ang Pilipinas at China kaugnay ng dumaraming insidente sa pinag-aagawang teritoryo.
Sinabi naman ng walong porsyento na dapat iakyat ng Pilipinas sa United Nation General Assembly ang insidente.
Ang iba naman ay walang sapat na alam upang makapagbigay ng opinyon sa isyu.
Sa kaparehong survey nananatiling ang Estados Unidos pa rin ang pinagkakatiwalaan ng mga Filipino nakakuha ito ng 89 porsyentong trust rating at 11 distrust rating.
Sumunod naman ang Japan na may 79 porsyentong trust rating at 20 distrust rating.
Pangatlo naman ang Australia (76 porsyentong trust at 23 porsyentong distrust) na sinundan ng Canada (71 porsyentong trust at 28 porsyentong distrust), Malaysia (63 porsyentong trust at 37 porsyentong distrust), United Kingdom (56 porsyentong trust at 43 porsyentong distrust), Indonesia (56 porsyentong trust at 43 porsyentong distrust), at Vietnam (53 porsyentong trust at 46 porsyentong distrust).
Negatibo naman ang net trust rating ng Russia (42 porsyentong trust at 57 porsyentong distrust) at China (26 porsyentong trust at 74 porsyentong distrust).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.