UMABOT na sa 21 ang namamatay dahil sa dengue sa Cavite, ayon sa provincial epidemiologist.
Sinabi ni Dr. Nelson Soriano, Cavite chief epidemiologist na naitala ang mga nasawi sa dengue mula Enero ngayong taon hanggang Hulyo 19, 2019.
Idinagdag ni Soriano na nakapagtala naman ng kabuuang 4,108 kaso ng dengue sa buong lalawigan.
“Sa kabuuan po, meron na pong 4,108 cases sa buong probinsya, meron na pong 21 deaths na naitala kami sa lalawigan,” sabi ni Soriano sa panayam sa DZMM.
Sinabi pa ni Soriano na karamihan o 913 kaso ng dengue ay naitala sa Dasmariñas City.
Ani Soriano tinatayang 15 hanggang 20 na pasyente na may dengue ang naoospital araw-araw sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.
Noong Martes, nagdeklara na ng dengue outbreak ang provincial government ng Cavite matapos makapagtala ng pinamaraming kaso sa buong Calabarzon region.
“Inanalyze po namin at nakita po namin na marami nang bayan at siyudad ang higit na sa outbreak threshold, ito po ay ang Alfonso, Carmona, Dasmariñas, GMA (General Mariano Alvarez), General Trias, Indang, Naic, Silang, at Tagaytay,” sabi ni Soriano. Inquirer.net
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.