DUMAMI ang bilang ng mga pamilya na nagsabi na sila ay mahirap, ayon sa Social Weather Station.
Mula sa 38 porsyento (9.5 milyon) pamilya sa survey noong Marso, tumaas ito sa 45 porsyento (11.1 milyon) pamilya sa survey noong Hunyo 22-26.
Ang pinakamataas na naitala sa ilalim ng Duterte government ay 52porsyento noong Setyembre 2018.
Pinakamarami ang nagsabi na sila ay mahirap sa Mindanao (56 porsyento) na sinundan ng Visayas (55 porsyento). Sa Metro Manila ang nagsabi na sila ay mahirap ay 31porsyento samantalang ang nalalabing bahagi ng Luzon ay 40porsyento.
Sa tanong na: “Tungkol naman sa klase ng pagkain ng pamilya ninyo, saan po ninyo ilalagay ang inyong pamilya?” sinabi ng 35 porsyento (8.5 milyon) pamilya na pang-mahirap ang kanilang pagkain. Mas mataas ito sa 27porsyento (6.8 milyon) na naitala noong Marso.
Upang hindi na maituring na mahirap, dapat umanong gumastos ang isang pamilya ng P15,000 sa mga gastusin sa bahay hindi kasama ang pamasahe, tumaas mula sa P10,000 noong Marso 19.
Upang masabi na hindi na pang mahirap ang kinakain, sinabi ng mga respondents na hindi dapat bumaba sa P6,000 ang ginagastos nila sa isang buwan sa pagkain.
Sa 24.6 milyong pamilya noong Hunyo, 12.1 porsyento (3 milyon) ang hindi na ngayon pero mahirap isa hanggang apat na taon ang nakakaraan, 13.8 porsyento (3.4 milyon) ang hindi na mahirap pero mahirap lima o higit pang taon ang nakakaraan. Ang hindi naman naging mahirap ay 28..7 porsyento (7.1 milyon) pamilya.
Sa 45 porsyentong mahirap, 4.8 porsyento (1.2 milyon) pamilya ang hindi mahirap isa hanggang apat na taon ang nakakaraan, 3.3 porsyento (814,000) ang hindi mahirap lima o higit pang taon ang nakakaraan at 36.9 porsyento (9.1 milyon) pamilya ang hindi pa nakaahon sa kahirapan.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 3 porsyento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.