MABUTI na lang at hindi nakalusot ang panloloko sa isang kongresista.
May nag-text sa isang partylist congressman. Nagpakilala itong isang reporter ng radyo na naka-beat (assign) sa Kamara de Representantes.
Malungkot ang laman ng text message, namatay umano ang misis ng reporter at kailangan nito ng pinansyal na tulong. Kawawa naman.
Marahil ay naawa itong si congressman kaya inutusan ang isang staff na makipag-ugnayan sa reporter upang ito ay matulungan.
Naghanap naman ang staff ng nakakakilala sa radio reporter. At isang staff ang nagbigay daan para magkausap ang dalawa.
Pero nagulat ang staff nang makausap ang reporter.
Sabi ng reporter wala pa siyang asawa (ha, eh sino yung namatay?) at hindi siya nag-text kay congressman para humingi ng pinansyal na tulong.
May gumamit lang sa kanya, gusto sigurong magkapera.
Palaisipan ngayon kung sino ang nag-text sa kongresista at nagpanggap na reporter. Buti na lang din at hindi kumagat ang kongresista at hindi basta na lang nagbigay ng pera.
***
May nakapansin lang.
Noon nagkalat ang mga tarpaulin sa kahabaan ng General Luna st., na nagpapalala sa mga driver na magkaroon ng disiplina sa kalsada.
Parang maraming driver ang hindi nakakabasa ng paalaala na ito ng munisipyo.
Tapos, ‘yung paalalang ito ay inilagay sa LED screens na nakalagay sa mga waiting shed. Mas agaw-atensyon ito kaya mas makikita ng mga driver kahit na gabi.
Pero bakit ganoon? Marami pa ring hindi sumusunod sa paalala na ‘hindi lang ikaw ang nagmamadali kaya huwag kang mag-counter flow’.
Madami pa ring jeepney at UV Express na nagka-counter flow. Ayaw pumila at magtiyaga katulad ng iba.
Dumadagdag pa ‘yung mga UV Express na biyaheng Rodriguez-Cubao pero nagka-cutting trip at bumibiyahe lang ng Plaza (San Mateo)-LRT). Ginawa na nilang terminal yung isang carwash sa lugar kaya nagta-trapik kapag sila ay nag-u-U-turn o tumatambay sa labas ng kalsada para maghintay ng pasahero.
Pag binigyan kaya ng paniket ‘yung mga traffic enforcer sa lugar at payagan sila na manghuli nang manghuli, titino na kaya ‘yung mga pasaway na driver?
Para kasing nababastos na si Mayora, parang binabalewala ng mga pasaway na driver ‘yung mga paalala niya.
Dumadagdag pa yung mga jeepney na nagbaba sa tapat ng SM San Mateo. At dahil doon nagbababa at nagsasakay ang mga jeepney at UV Express dun na rin tumatawid ‘yung mga pasahero, hindi na gumagamit ng footbridge na ginastusan ng milyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.