INIIMBESTIGAHAN ngayon ng mga otoridad ang diumano’y pagkalason ng di bababa sa 40 estudyante ng isang pamantasan sa Imus City, Cavite, dahil umano sa ininom na milk tea.
Napag-alaman na lang sa Imus Institute of Science and Technology na karamihan sa mga naturang estudyante’y dinala sa Our Lady of the Pillar Medical Center, habang ang iba’y dinala sa Medical Center Imus, ayon kay Rieza Pagelion, radio operator ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.
“Hindi po ito ni-report sa amin, kaya di nirespondehan,” sabi ni Pagelion nang kapanayamin sa telepono.
Nalaman na lang ng CDRRMO ang insidente sa pamamagitan ng media kaya nagtanong sa paaralan, pero ayaw nitong magbigay ng karagdagang detalye sa pamamagitan ng telepono.
Sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office naman aniya nalaman ng CDRRMO na milk tea ang pinaghihinalaang sanhi ng diumano’y pagkalason.
Noong Miyerkules ng hapon pa umano unang nakapagtala ng mga naospital na estudyante, at mayroon pang dinala sa pagamutan Huwebes, ayon sa isang ulat sa radyo.
Nagtungo na ang pinuno ng PDRRMO sa paaralan para magsiyasat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.