IPINAG-UTOS ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde ang pagsibak sa pulis na sangkot sa viral video kung saan binantaan niyang aarestuhin ang isang lalaki dahil umano sa hindi pagrespeto sa kanya.
Sinabi ni Albayalde na nangyari ang insidente Sabado ng gabi sa San Juan City.
“Para po sa inyong kaalaman ipinatanggal ko na po sa puwesto ang pulis na nag-viral sa San Juan. Sa report sa akin, kinilala siya na si PSMS Arnulfo Ardales,” ani Albayalde sa isang post sa Facebook.
“Ayon sa reklamo ni Aaron Estrada, nagalit si PSMS Ardales dahil sa pambabastos umano niya habang bumibili at nagbanta pa sa kanya,” dagdag ni Albayalde.
Sa video, makikita ang galit na galit na si Ardales habang sumisigaw at nagmumura matapos umanong harangan siya ni Estrada habang bumibili.
Hiningi ni Ardales ang ID ni Estrada at sinabihang sumama sa kanya dahil sa kawalan ng galang.
“Nasaan ang ID mo? Ang bastos mo sa pulis a. Bumibili ako, haharangan mo ko? Tarantado ka pala e,” sabi ni Ardales.
“Sumama ka sa ‘kin,” ayon pa kay Ardales.
“Bakit ako sasama? Wala naman ako ginagawa a?” sagot ni Estrada.
“Binabastos mo ako ‘di ba? Papalag ka? Wag mo ko babastusin. Bumibili ako tapos sasapawan ako n’yan (Estrada)?” dagdag pa ng pulis.
Bago umalis ng tindahan, sinabihan ni Ardales na markado na si Estrada sa kanya.
Idinagdag ni Albayalde na personal na iniulat sa kanya ang insidente.
“Agad po itong nakarating sa atin kaya agad na ipinatanggal ko sa puwesto si PSMS Ardales na ngayon ay nasa District Headquarters Service Unit ng EPD (Eastern Police District),” sabi ng opisyal.
“Patuloy po ang imbestigasyon sa insidenteng ito,” dagdag ni Albayalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.