Vice ibinuking si Ryan Bang, nanligaw kay Yeng…pero basted
BUKING! Niligawan pala ng Koreanong comedian na si Ryan Bang si Yeng Constantino.
Mismong si Vice Ganda ang nagbuking kay Ryan sa nakaraang episode It’s Showtime.
Isang Tawag ng Tanghalan contestant kasi ang nagkuwento na may sarili siyang composition na may title na “Friendzoned” kaya ang hirit ni Vice swak na swak ito sa naranasan noon ni Ryan nang ligawan ang Pop Rock singer na nasa studio rin bilang hurado.
“Ryan, listen! Si Yeng Constantino, pumapalakpak! Kung hindi niyo naaalala, si Yeng ay isa sa mga nag-friendzone kay Ryan Bang!” ang pasabog ng TV host-comedian.
Singit naman ni Ryan, ang “gongbassador” ng TNT, totoong lumabas sila ni Yeng noon, pero ito’y para sabay silang dumalo sa isang church service.
Pambubuking pa ni Vice, naganap daw ang “paglabas” nina Yeng at Ryan ilang buwan bago maging official ang relasyon ni Yeng kay Yan Asuncion asawa na niya ngayon. Ikinasal sila noong February, 2015.
Tawa naman nang tawa si Yeng habang nagsasalita si Vice. Sa huli, binigyan pa ng sweet message ni Yeng sa dati niyang manliligaw.
“Alam mo, hindi pa ‘yan ang huli. Pakiramdam ko, darating din ‘yung babae na sobrang ma-a-adore ka, at sobrang iri-respeto ka, at mamahalin ka rin, kaya cheer up!” pahayag ng Kapamilya singer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.