Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs Ateneo
4 p.m. UST vs FEU
Team Standings:
FEU (5-0); UST (3-1); Adamson (3-2); UE (3-3); NU (3-3); La Salle (2-3); Ateneo (1-4); UP (0-4)
BUMANGON agad ang Adamson University sa huling pagkatalo habang naisakatuparan ng University of the East ang pinuntiryang unang back-to-back win sa pagpapatuloy kahapon ng 76th UAAP men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa ng 16 sa kanyang 18 puntos si Jericho Cruz sa huling dalawang quarters para tulungan ang Adamson Soaring Falcons sa 68-66 panalo sa National University Bulldogs.
May 12 puntos sa ikatlong yugto, ang mahalagang buslo ni Cruz ay nang angkinin ang huling apat na puntos ng tropa ni Adamson coach Leo Austria sa mahalagang
8-0 bomba na nagbangon sa Falcons mula sa 60-63 paghahabol at hawakan ang 68-60 bentahe sa huling 1:38 sa orasan.
“Any team can beat any team in the UAAP. So I reminded them that this is a hard game for us. We won because of team effort and luck was on our side in the end,” wika ni Austria na ang koponan ay umangat sa 3-2 baraha.
Bumanat ng three-point play si Bobby Ray Parks Jr. para gawing 68-66 ang iskor. Nasundan pa ito ng dalawang mintis sa free throw line ni Roider Cabrera para mabigyan pa ng pagkakataon ang NU na maitabla ang laro.
Ngunit hindi nalibre alinman kina Parks at Emmanuel Mbe dahilan upang mapilitan si Robin Rono na pumukol ng tres na sumablay at ang rebound ay nakuha ni Don Trollano sabay tunog ng final buzzer.
Umiskor ng 21 puntos si Roi Sumang, si Charles Mammie ay mayroong 19 puntos at 16 boards habang si Chris Javier ay may 16 puntos pero sa huli ay sina Ralf Olivares at Don Alberto ang nagtulong para ibigay sa Red Warriors ang 85-83 panalo sa kinapos na De La Salle University Green Archers sa unang laro.
Limang sunod na puntos, kasama ang tres, ang ginawa ni Olivares habang dalawang free throws ang kinamada ni Alberto sa mahalagang 7-0 palitan upang tabunan ng tropa ni UE coach David Zamar ang apat na puntos na kalamangan ng Archers at gawin itong 84-81 bentahe.
Pumukol ng malayong buslo si Luigi Dela Paz na inakalang tres ngunit matapos ang review sa play ay nakitang nakatapak ito sa linya para magkaroon pa ng isang puntos na bentahe ang UE.
Nalagay sa 15-foot line si Olivares at isa lamang sa dalawang buslo ang kanyang naipasok pero sapat na ito dahil ang atake ni Thomas Torres ay malakas at tumalbog ang bola matapos tumama sa back rim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.