INIHAIN na sa Kamara de Representantes ang Eddie Garcia bill na naglalayong proteksyunan hindi lamang ang mga artista kundi ang lahat ng nagtatrabaho sa show business industry.
Ayon kay 1PACMAN Rep. Mikee Romero, stepson ni Garcia, layunin ng House bill 181 na magkaroon ng occupational safety and health standards sa film, television at theater industry.
“The film, television and theater industry involve a unique business, and as such, presents several unique health and safety hazards that require special attention,” ani Romero.
Sa ilalim ng panukala ay lilimitahan din ang working hours sa movie set sa walo hanggang 12 oras. Ang mahabang oras umano sa taping at shooting ang isa sa mga dahilan ng pagkakasakit ng mga personalidad sa showbiz industry.
Magkakaroon na rin ng mandatory personnel insurance coverage at standard operating procedure kapag nagkaroon ng safety and medical emergency sa set. Ang kompanya rin na gumagawa ng pelikula o show ang siyang sasagit sa mga gastusin sa ospital ng mga masasaktan o mamamatay.
Ang mga hindi susunod sa panukala ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000 kada araw ng paglabag. Kapag inulit ang paglabag, ang multa ay itataas sa P1 milyon at pagkansela ng prangkisa.
Si Garcia ay namatay ilang araw matapos bumagsak dahil napatid umano sa kable sa set ng ginagawa nitong television series.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.