Cherry Pie hinarap ang killer ng ina sa ‘Radical Love’ docu: Napatawad ko na…
GRABE! Ibang klase pala talaga ang katapangan at pananampalataya ng award-winning actress na si Cherry Pie Picache.
Isa kami sa naimbitahan sa special screening ng docu drama na Radical Love produced by ABS-CBN DocuCentral last Thursday night na ginanap sa Dolphy Theater.
At isa kami sa mga umiyak nang bonggang-bongga habang pinanonood ang documentary ng naging journey ni Cherry Pie mula nang mamatay ang inang si Zenaida Sison hanggang sa araw nang pagpunta niya sa kulungan para patawarin ang killer ng kanyang nanay.
Kilalang maka-Diyos ang magaling na aktres, ngunit nasubukan ang kanyang pananampalataya nang brutal na patayin ang inang si Gng. Zenaida Sison noong Setyembre, 2014.
Ilang taon matapos ang trahedya, ibinahagi nga ni Cherry Pie sa dokumentaryong Radical Love ang buong kuwento ng kanyang pagpapatawad, kabilang ang naganap na “face-to-face” nila ng taong kumitil sa buhay ng ina
Patay na at tadtad ng saksak si Gng. Zenaida nang madiskubre sa bahay nito sa Quezon City. Ang suspek ay ang houseboy niyang si Michael Flores. Ayon sa imbestigasyon, pagnanakaw lang ang pakay ni Michael ngunit nauwi ang krimen sa pagpatay sa kanyang amo.
Inamin ni Michael ang krimen at nahatulan siya ng habangbuhay na pagkakakulong. Hindi man nabawasan ang pananampalataya ni Cherry Pie sa Diyos, kinuwestyon naman niya ang abilidad niyang magpatawad sa taong gumawa ng ganoong krimen sa kanyang magulang.
“Di ba ‘yung mawawalan ka ng magulang, ang sakit na? Kapag naaalala mo pa na ganoon ang way, she doesn’t deserve it. Paano ka hihingi ng tawad kung hindi ka magpapatawad?” pahayag ng aktres.
Sa gitna ng kanyang pagluluksa at pag-imbestiga sa mga pangyayari, nanatili ang pananampalataya niya sa Diyos.
Bago pa nangyari ang krimen, adbokasiya na ni Cherry Pie ang tulungan ang mga nakabilanggo na magbagong-buhay. Dito niya naisip na posibleng mapatawad niya si Michael.
Sa Radical Love, babalikan ni Cherry Pie ang mga lumipas na taon matapos pumanaw ang ina, at paghahandaan ang pagkikita nila ni Michael sa New Bilibid Prison. Sa kanyang desisyong magpatawad, masasabi na ba niyang nakakuha na siya ng katarungan at tunay na kapayapaan matapos ng nangyari sa kanyang ina?
Habang pinanonood namin ang docu na ito ay ramdam na ramdam din namin ang sakit at paghihirap ng kalooban ni Cherry Pie. Kaya nga ilang beses din kaming napaluha, lalo na nu’ng nagkaharap na sila ng killer.
Marami ang nagkomento na kung sila raw siguro si Cherry Pie, hindi nila kayang gawin ang ginawa nitong pagpapatawad kay Michael Flores. ‘Yan din ang tanong na iiwan namin sa inyo, mga ka-BANDERA at subukan n’yong sagutin kapag napanood n’yo na ang dokumentaryo.
Mapapanood na ang Radical Love mula sa ABS-CBN DocuCentral, ngayong Linggo, Hulyo 7, sa Sunday’s Best after GGV. May replay din ito sa Hulyo 14 (Linggo), 7 p.m. sa DZMM TeleRadyo at sa Hulyo 15 (Lunes), 7 p.m. sa ANC.
Pwede rin itong mapanood sa iWant.ph pagkatapos ng premiere sa Sunday’s Best.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.