Paolo Duterte umalma sa mga gumagamit sa kanya sa speakership
NAKIUSAP si presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte na huwag siyang idamay sa speakership race at huwag ding gamitin para manalo.
“Pakiusap lang po. Kung sino man ang gusto na idamay ako sa usapin ng speakership sa House of Representatives — huwag po ninyo akong gamitin. Huwag po ang pangalan ko,” ani Duterte sa isang pahayag.
Sinabi nito na ayaw niyang madamay sa “marumi, mapanghamak, bastos, at nakakawala ng respeto na uri ng pulitika.”
Iginiit din nito na ang pagkakaibigan ay “may limitasyon” at ito ay “hindi lisensya para gamitin ninyo ako upang sirain ang inyong kalaban, bastusin ang kanyang asawa o ang kanyang pamilya.”
Sinabi ng solon na dapat magsilbing paalala sa kanyang mga kapwa kongresista ang nangyayari sa pagpili ng magiging lider ng Kongreso at “Piliin po natin ang lider na may respeto sa kawpa, lalo na sa babae — kahit na asawa pa man ito ng kanyang kalaban.”
Dagdag pa nito dapat ang interes ng lider ay hindi pansarili at totoong aalalay kay Pangulong Duterte upang isulong ang “tunay at positibong pagbabago sa ating bansa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.