Sahaya naiba ang timeslot sa pagpasok ng ‘Better Woman’
Simula ngayong Lunes, July 1, mapapanood na ang GMA Telebabad series na Sahaya pagkatapos ng 24 Oras. Ito ang papalit sa timeslot ng nagtapos nang Kara Mia.
Susundan naman ito ng pinakabagong sexy-drama series ng Kapuso Network na The Better Woman na pinagbibidahan nina Derek Ramsay at Andrea Torres habang ang Love You Too nina Jennylyn Mercado at Gabby Concepcion ay mananatili sa dati nitong timeslot.
Samantala, sa pagpapatuloy ng Sahaya, mas magiging mainit pa ang takbo ng inaabangang love triangle nina Sahaya (Bianca Umali), Ahmad (Miguel Tanfelix) at Jordan (Migo Adecer).
Gagawin lahat ni Jordan para mahalin siya ni Sahaya habang nagdadalwang-isip pa rin si Ahmad kung ipaglalaban pa ba niya ang babaeng kanyang itinatangi. Sino nga kaya ang pipiliin ni Sahaya o parehong uuwing luhaan ang dalawang lalaking nagpapagulo sa kanyang isipan?
Magtagumpay naman kaya si Irene (Ana Roces) plano niyang burahin na sa mundo si Manisan (Mylene Dizon) para wala na siyang kaagaw sa asawang si Harold (Zoren Legaspi).
In fairness, hindi lang ang love triangle nina Bianca, Miguel at Migo ang inaabangan sa Sahaya, tinututukan din ng manonood ang agawan nina Ana at Mylene kay Zoren.
At inaabangan na rin ng Kapuso viewers kung paano gagantihan ni Mylene ang lahat ng umapi sa kanilang pamilya, kabilang na nga riyan ang mga karakter nina Ana Roces, Eric Quizon at Snooky Serna. Knowing Mylene, siguradong may pasabog ‘yan!
Ang Sahaya ay sa direksyon ni Zig Dulay, at kasama rin dito sina Pen Medina, Ashley Ortega, John Feir, Dave Bornea at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.