ABS-CBN pinarangalan ng ICD, pinuri sa maayos ng pamamalakad sa kumpanya
PINATUNAYAN muli ng ABS-CBN kung bakit isa ito sa hinahangaang korporasyon sa bansa matapos maging natatanging media network na pinarangalan ng Institute of Corporate Directors (ICD) para sa mahusay na pamamalakad sa kumpanya.
Tinanggap ni ABS-CBN chief financial officer Aldrin Cerrado ang tropeo para sa Kapamilya Network sa ASEAN Corporate Governance Scorecard (ACGS) Recognition Ceremony, kung saan kinikilala ang mga kumpanyang maayos ang pagpapatakbo at sumusunod sa mga regulasyon ng gobyerno.
Ani Cerrado, mahalaga ang corporate governance para manatiling matibay at nangunguna sa industriya ang 65-taon gulang na kumpanya.
“Mahalaga na maipakita natin sa ating mga stakeholder at investor na tama ang pamamahala sa organisasyon para patuloy nila tayong suportahan, at patuloy din nating magampanan ang misyon nitong maglingkod sa mga Pilipino,” aniya.
Dagdag pa ng TV executive, sinusunod ng ABS-CBN ang pamantayan ng ICD, na may layuning itaas ang kalidad ng polisiya sa corporate governance sa bansa na papantay sa mundo.
Pinag-aaralan nito ang mga gawain ng mga kumpanya tulad ng ABS-CBN at ginagawaran ang mga organisasyon na magaling at kahanga-hanga ang pamamalakad.
Bukod sa ABS-CBN, ginawaran din ng ICD ng parangal ang iba pang kumpanya ng Lopez Group tulad ng Lopez Holdings at First Gen Corporation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.