Magaling na aktor bigla na lang nawala sa showbiz, nalulong sa bisyo
MARAMING naghahanap sa isang guwapo at magaling na aktor na mula sa isang malaking pamilya ng mga artista. Nanghihinayang ang mga naghahanap sa kanya. Magaling kasi siyang umarte at may mukha pang puhunan sa kanyang propesyon.
Dating napabalita na hindi kagandahan ang mga naging impluwensiya niya, mga taong hindi niya naman tunay na kilala, ang mga ‘yun ang nagtulak sa kanya sa hindi magandang pagkakaabalahan.
Kuwento ng aming source, “Wrong influence. Napasama siya sa mga taong mabisyo, mabilis siyang nakumbinse, dahil magulo ang buhay niya nu’n!
“Ang ganda-ganda na ng takbo ng career niya, hindi siya nawawalan ng work, hindi man siya ang bumibida talaga, ang gaganda ng mga roles na ibinibigay sa kanya.
“One time, kitang-kita ng mga kapwa artista niya na sobrang wasted na siya. Dumating siya sa set na parang hindi naligo, marumi ang katawan niya, parang wala siyang kagana-gana sa buhay.
“Nu’ng kumakain na sila, nakita ng buong production ang male personality na parang wala nang lakas. Hotdog at egg ang breakfast sa set, ni hindi niya matusok ang napakalambot lang namang hotdog dahil wasted na nga siya!
“Magdamag siguro silang nagpakasarap ng mga bago lang niyang kabarkada, nagbisyo sila nang buong gabi, kaya kinabukasan, wala na siyang lakas para umarte,” unang chika ng aming source.
Minsan na siyang inimbitahan ng kanyang mga tito at tita para mabigyan ng magagandang payo, nakararating na kasi sa kanilang pamilya ang mga pinaggagagawa ng magaling pa namang aktor, sinubukan siyang rolyohan ng kanyang mga kapamilya.
Kuwento uli ng aming source, “Wala siyang kibo, ni hindi siya nangatwiran, basta pinakinggan lang niya ang mga sinasabi ng mga tito at tita niya. Parang pipi siya nu’ng time na ‘yun.
“Pagkatapos siyang pa-ngaralan ng mga kadugo niya, lalong naging mabisyo ang male personality, ang feeling niya kasi, e, wala nang nagmamahal sa kanya
“Sayang na sayang siya, hindi niya pinag-ingatan ang talent niya, lalo na ang opportunity na hawak niya na, pero pinabayaan pa niyang sumisid nang malalim sa bisyo,” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kailangan n’yo pa ba ng clue para hindi kayo maupo sa Row 4 na katabi ang mabaong basurahan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.